Inanunsyo ni Southern Police District chief Brig. General Jimili Macaraeg ang pagkakaaresto ng dalawang Korean dahil sa umano'y pangingikil sa isa nilang kababayan kapalit ng ninakaw na kotse nito sa isang condominium sa Pasay City nitong Disyembre 2.

Kinilala ang mga suspek na sina Lee Giyeoung, 62, pansamantalang nanunuluyan sa Malate, Maynila at Kim Jae Yong, 55, taga-Villamor, Pasay City.

Ayon sa pulisya, hindi na nakapalag ng dalawa nang dakpin sila ng mga pulis sa ikinasang entrapment operation sa Donada Street ng naturang lungsod, nitong Huwebes, dakong 9:00 ng gabi.

Nauna rito, naghain ng reklamo sa pulisya si Kim Yooshiko, 54, taga-Diamond Subd., Balibago, Angeles City, Pampanga, matapos umanong tangayin ang kanyang kotse ng isa pang suspek na si Hyunju Kim habang ito ay nakaparada sa harap ng isang condominium sa lungsod nitong Nobyembre 4.

Metro

Mga deboto ng Jesus Nazareno, maaaring sumakay sa LRT-1 nang nakayapak

Nitong Disyembre 2 ng gabi, humihingi umano ng perasina Giyeoung at Yong sa biktima kapalit ng kanyang sasakyang ninakaw ni Kim kaya agad na nagkasa ng operasyon ang mga awtoridad na ikinaaresto ng mga ito.

Sinampahan na ng kasong extortion ang dalawang suspek at nahaharap naman sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 (Anti-Carnapping Act) si Kim na patuloy na pinaghahanap ng pulisya.

Bella Gamotea