Nagbabala ang dating Chief Justice ng Korte Suprema na si Maria Lourdes Sereno sa mga netizen na naninirang-puri kay Queen of All Media Kris Aquino, na maaari silang maharap sa kasong kriminal kapag ipinagpatuloy pa nila ang mga walang basehang bintang na ginamit umano ni Kris ang mga alahas ng dating First Lady na si Imelda Marcos, na binawi na ng Korte Suprema.
Matatandaang noong 2016 pa lumutang ang isyu na ito, bagay na sinagot at pinabulaanan na rin ni Kris. Muli itong nilinaw ni Sereno sa isang Facebook post nitong Nobyembre 28.
"FIRST WARNING PO: Criminal case na po ang maaaring harapin niyo sa pagbibintang na ginamit ni Kris Aquino ang alahas ni Imelda na ayon sa Supreme Court ay galing sa NAKAW NA YAMAN. Bangko Sentral ng Pilipinas at PCGG na po ang nagsabing imposible ito," pahayag ni Sereno.
"Simula ngayon, kukuhanan na namin ng screenshots ang lahat ng magko-comment nang ganito, pati ang profile details n'yo, at ipadadala sa Bangko Sentral, sa PCGG, at sa sinisiraan n'yong tao. Dalawang government institutions po at isang individual ang sinisiraan n'yo."
"Paano po n'yo sinisiraan ang PCGG at Bangko Sentral? Dahil po sa ilalim ng batas, hindi nila maaaring galawin at ipagamit sa maling paraan ang mga assets na ipinagkatiwala sa kanila, gaya ng mga alahas na nasamsam na ill-gotten wealth. In effect, inaakusahan n'yo ang PCGG at Bangko Sentral ng paglabag sa batas."
"Dati po ay dinadaan lang natin sa paliwanag na walang basehan ang akusasyon nila kay Kris Aquino, Bangko Sentral ng Pilipinas, at sa PCGG. Ngunit hindi po tumitigil ang ganitong mga masasamang bintang at krimen po iyan. Kaya’t iipunin na po namin ang mga screenshots ng ganitong mga comments at ipadadala sa kinauukulan."
Kaya naman, hinikayat niya ang mga netizen na kapag nakabasa ng mga ganitong post sa social media, i-screenshot ito at ipadala sa kaniya.
"Nasosobrahan na po ang pagiging kriminal ng mga gawain n'yo. Yung mga may resibo ng ganitong comments, paki-forward po by pm sa akin, and I will forward. Gawin po natin itong activity laban sa iresponsableng paggamit ng salita.
Salamat po."
Sa latest update ni Sereno, may mga nagpapadala na umano ng mga 'resibo' ng krimen sa kaniya.
"Iniipon na po natin ang mga ito," aniya pa.
Matatandaang nakalagak sa vault ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang mga 'ill-gotten jewelry collection' ng dating First Lady nang bawiin ito mula sa kaniya, sa utos na rin ng Korte Suprema.
Sa halos tatlong dekada na nakatengga sa vault ang mga alahas, noong 2016 ay inanunsyo ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na ang halaga ng tatlong jewelry collections na nasa pangangalaga ng BSP ay aabot na sa ₱1 bilyon, ayon naman sa ulat ng Official Gazette, na nailathala noong Pebrero 12, 2016. Ang mga nasabing jewelry collections ay ang Malacañang collection, Hawaiian collection, at Roumeliotes collection.
"The collection includes diamonds studded tiaras, necklaces, brooches, earrings, belts, and other gems as well as women’s and men’s wristwatches such as Patek Philippe, Rolex, and Cartier. Some pieces were from renowned international jewelry makers such as Bulgari, Van Cleef and Arpels, and Bucellatti. Among the most notable pieces is the 25-carat pink diamond, considered to be an exceedingly rare jewel," saad sa Official Gazette.