Inanunsiyo ng Department of Health (DOH) – Calabarzon na binubuo ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon, nitong Huwebes na nalampasan nila ang kanilang vaccination target na 1,020,000 jabs sa tatlong araw na idinaos na Nationwide Vaccination Drive (NVD) mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

Ayon sa DOH-Calabarzon, kabuuang 1,028,356 doses ng bakuna o 101% ng kanilang target ang kanilang naiturok hanggang alas-7:00 ng gabi ng Disyembre 1.

Nabatid na ang Laguna ang lalawigan na nakapagtala ng pinakamaraming bilang ng COVID-19 vaccines na naiturok na umabot sa 253,568 mula sa commitment target nito na 210,660.

Sinundan ito ng Batangas na nakapagturok ng 245,485 jabs mula sa target na 230,556; Cavitena nakapag-administer ng 235,596 jabs mula sa target na 289,482; Rizal na may 152,845 bakunang naiturok mula sa target na 171,852 at Quezon na nakapagturok ng 140,862 bakuna mula sa target na 117,450.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kung ang pagbabasehan naman ay ang percentage ng accomplishment, ang Laguna at Quezon ang nanguna na may 120% na success rate, Batangas na may 106%, Rizal na may 89% at Cavite na may 81%.

“The success of the 3-day NVD was due to the dedication and commitment of our health workers who joined the event, our partners agencies, DEPED. the DILG, BJMP, PNP, OCD, BFP, the local government units and specially our barangay officials and health workers who diligently sought out every eligible individual in the community and encouraged them to be vaccinated. Maraming salamat po sa inyong lahat,” ayon kay Regional Director Ariel Valencia.

“Any endeavor po, gaano man ito kahirap gawin ay makakayang tapusin kung tayong lahat at nagtutulungan. Maraming salamat po sa lahat ng nagtrabaho at nakasama po namin upang ang ating “Bayanihan, Bakunahan” sa CALABARZON ay maging matagumpay,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Valencia na magkakaroon pa ng second round ng “Bayanihan, Bakunahan” ngayong buwan upang mabakunahan ang natitira pang eligible population at mabigyan sila ng proteksiyon laban sa COVID-19 virus, kabilang na ang mga variants nito.

“Patuloy po nating protektahan ang ating sarili, ang ating pamilya at komunidad sa pamamagitan ng pagsunod sa health protocols na itinalaga ng ating pamahalaan. Magsuot po tayo ng face mask, i-observe ang social distancing at palagiin ang paghuhugas ng kamay,” paalala pa ni Valencia.

Mary Ann Santiago