Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) nitong Huwebes na kabuuang 177 pang paaralan, na kinabibilangan ng 28 pampublikong paaralan mula sa Metro Manila, ang lalahok na rin sa pilot run ng in-person classes na sisimulan sa Disyembre 6.

Karagdagan ito sa 118 public at private schools na una nang inaprubahan ng DepEd na magsagawa ng limitadong face-to-face classes noong Nobyembre.

Nabatid na sa National Capital Region (NCR),lalahok ang tig-dalawang pampublikong paaralan na mula sa lungsod ng Maynila, Quezon City, Caloocan City, Mandaluyong City, Marikina City, Muntinlupa City, Navotas City, Parañaque City, Pasig City, Taguig City, Valenzuela City, at Las Piñas City.

Samantala, tig-isang paaralan naman ang lalahok mula sa mga lungsod ng San Juan, Pasay, Malabon, at Makati.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Matatandaang ang pilot testing ng face-to-face classes ay sinimulan noong Nobyembre 15 sa ilang lugar sa bansa na may low risk classification sa COVID-19, kung saan may 100 public schools ang lumahok.

Noong Nobyembre 22 naman, nasa 18 private schools sa ilang lugar sa bansa ang lumahok.

Ayon sa Deped, ang assessment period para sa initial run ng pilot face-to-face classes ay hanggang sa Disyembre 22, 2021.

Ang pilot study naman para dito ay nakatakdang magtapos sa Enero 31, 2022.

Nakatakda namang iprisinta kay Pang. Rodrigo Duterte ang resulta ng pilot testing sa Pebrero 2022.

Kung magiging maayos umano ang lahat ay inaasahang magkakaroon ito ng expansion pagsapit ng Marso 7, 2022.

Mary Ann Santiago