Usap-usapan ngayon ang tweet ng dating ABS-CBN news anchor na si Ces Oreña-Drilon sa pagbawi ni Senador Bong Go sa kaniyang kandidatura sa pagka-pangulo, nitong Nobyembre 30, sa araw mismo ng Bonifacio Day.

BASAHIN: https://balita.net.ph/2021/11/30/bong-go-umatras-sa-pagtakbo-bilang-presidente/">https://balita.net.ph/2021/11/30/bong-go-umatras-sa-pagtakbo-bilang-presidente/

Ayon sa kaniyang tweet, "As we had said before. Ginagawang laro ang eleksyon," kalakip ang isang online news article mula sa isang media outfit.

Screengrab mula sa Twitter/Ces Oreña-Drilon

Matatandaang sa isang ambush interview, inamin ni Go na pakiramdam niya ay hindi pa talaga panahon para sa kaniya na kumandidato sa pinakamataas na posisyon sa Pilipinas. Sinegundahan, inunawa, at sinuportahan naman umano siya ng kaniyang pamilya.

"Ayaw rin talaga ng aking pamilya kaya naisip ko na siguro ay hindi ko pa panahon sa ngayon. Diyos lang ang nakakaalam kung kailan ang tamang panahon," aniya.

"Ayaw ko ring maipit si Pangulong Duterte higit pa sa tatay ang pagmamahal ko sa kanya–matanda na po siya at marami na rin siyang naibigay para sa bayan, ayaw ko na pong dagdagan pa ang kanyang problema. Nananatili akong tapat sa kanya at nangako akong sasamahan ko po siya habambuhay."

"Talagang nagre-resist ang aking katawan, puso, at isipan. Tao lang po ako na nasasaktan at napapagod din. Sa ngayon, yun ang mga rason ko. That is why I am withdrawing from the race… I am willing to make the supreme sacrifice for the good of our country and for the sake of unity among our supporters."

Matatandaang bago mag-file sa pagtakbo bilang pangulo, siya muna ay kandidato sa pagka-pangalawang pangulo at mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang sumama sa kaniya bilang pagpapakita ng suporta.

Ilang araw bago ang Nobyembre 15 ay umalagwa na nga sa pagka-pangulo ang inihaing kandidatura ni Go, habang si Pangulong Duterte naman ay tatakbong senador.