Uumpisahan na ang mas maigting na pagsasanay ng mga koponan sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) makaraang aprubahan ng Commission on Higher Education (CHEd) ang pagsasagawa ng face-to-face training sa ilalim ng isang semi-bubble format.
Katunayan, binigyan na ng go-signal ng pamunuan ng liga ang kanilang 12 miyembrong paaralan para magsimula na ng training ngayong darating na Disyembre basta sasailalim muna ang kanilang mga atleta sa Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) tests bago sumabak sa training o kaya'y kumpleto na ang mga ito ng bakuna kontra COVID-19.
Gagawin ng liga ang kahalintulad na semi-bubble format ng Philippine Basketball Association sa Bacolor, Pampanga.
Kaugnay nito, nakatakdang inspeksyunin ng CHEd ang mga gagamiting sports facilities ng mga kooponan sa Nobyembre 23-26 para masiguro na lahat ng paaralan ay susunod sa mga itinakdang health and safety protocols para hindi makompromiso ang mga student-athletes.
Batay sa panuntunan ng CHEd, kinakailangang magsumite ang mga NCAA schools ng kanilang letter of intent at Collegiate Training Activities Certificate of Compliance na may lagda ng kanilang athletic director, gayundin ng presidente ng unibersidad o ng kolehiyo.
Dapat ding may parental consents at identification cards na ibibigay ng liga sa mga student athletes, bukod pa ang
study rooms para sa mga athletes na mayroong malakas na internet connection.
Marivic Awitan