May madamdaming Facebook post ang showbiz columnist at talent manager na si Ogie Diaz, ngunit hindi para sa usaping showbiz, kundi para sa usaping politikal.
Ayon sa kaniya, sana raw ay kalimutan na ang mga sigalot sa pagitan ng 'political colors' at piliin ng mga botante ang mga nararapat na kandidatong ihahalal, batay sa kanilang track record.
"Ipahinga na yung galit nyo sa mga Dilawan. Normal naman sa pulitika ang paiba-iba ang kulay," panimula ni Ogie Diaz.
"Maging si Pangulong Duterte at Mayor Sara Duterte ay sinuportahan din naman noon si PNoy. Hindi ako Dilawan.
Hindi ako tumitingin sa Kulay. Sa tao ako tumitingin. Sa karakter. Sa reputasyon. Sa kung ano ang magagawa para sa bayan. Sa linis ng kasaysayan ng pangalan."
Ang mga kandidatong may integridad, walang bahid ng korupsyon, at totoong lingkod-bayan ang nararapat umanong iboto.
"Huwag n'yo na lang kakalimutan na ang dapat nating iboto sa susunod na eleksyon ay yung may integridad, walang bahid ng corruption, hindi nagpayaman sa pwesto, tapat maglingkod at hindi kayo lolokohin."
"Sino ba ang may malinis na record? Yun ang dapat suportahan n'yo. Ngayon, kung ang lagi n'yong dayalog ay ang mga sumusunod…"
“Ah, basta. Kahit ano pa ang sabihin n'yo, kay __ kami..“ (Isinara na ang tenga, ipinikit na ang mga mata, ayaw nang makarinig ng mga katotohanan)."
“Mayaman na 'yan, hindi na 'yan magnanakaw. Ipamimigay na lang nila ang pera nila.” (Namuhunan sila, kailangan nilang tumubo)."
“Kahit magnanakaw, at least, maraming nagawa.” (Isaksak mo sa utak mo na trabaho nila ang paunlarin ang bayan, hindi ang sarili)."
“Tutal, lahat naman, corrupt. Kung sino ang magbibigay sa amin, doon kami.” (Ilang araw lang ang halaga niyan kapalit ng anim na taong pwede mong pagsisihan)."
“Siya ang bet ko. Kasi napanood ko sa TikTok at sa YouTube na hindi naman totoo ang mga bintang sa kanya.” (Ugaliing mag-research)."
Panghuli, wala na umano siyang magagawa sa ibang tao na hindi bukas ang isipan sa mga ganitong ideya. Lagi lamang daw tatandaan na kung anuman ang maging resulta ng halalan, kapakanan ng taumbayan pa rin ang nararapat na manaig.
"Wala na akong magagawa kung ganyan pa din takbo ng pag-iisip ng iba. Boto naman nila yan eh. Basta lagi mo lang isasaalang-alang na mahalaga ang isang boto mo at para ito sa kapakanan ng bayan mo."
Narito ang kaniyang FB post: