Binanatan ni dating Ilocos Sur governor at incumbent Narvacan Mayor Luis 'Chavit' Singson ang kaniyang kaibigang si Senador Manny Pacquiao, dahil sa panukala umano nitong mas taasan pa ang excise taxes o buwis na ipapataw sa mga tabako, sigarilyo at alak, o mas kilala bilang 'sin tax'.

Ayon kay Chavit, hindi umano ginagamit ng senador ang kaniyang utak, dahil tiyak na maaapektuhan umano ang mga magsasaka ng tabako, lalo't isa ito sa ikinabubuhay ng mga tao sa bandang Norte, partikular sa Ilocos Sur.

“Eh kasi pinasok niya ‘yong issue na ‘yan nang di niya alam ‘yong sinasabi niya. ‘Pag tinaas ‘yong excise tax ng sigarilyo, tumataas ‘yong kita namin sa probinsya. Meaning, in short, nagbebenefit kami ‘pag tinaas. Kaya ‘ka ko, sobra na. Makikinabang kami eh, pero sobra na,” pahayag ni Chavit sa panayam ng isang media outfit.

“Up to now hindi niya maintindihan, ‘yong issue na ‘yan hindi niya maintindihan. Syempre ‘pag tinaas mo ang kita namin, ‘wag mo itaas dahil sobra na, nine times na ang tinaas ng taxes. Kawawa ang industriya, masisira ang industriya kung matutuloy ang tax. Hindi niya maintindihan ‘yon up to now,” dagdag pa niya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Hindi ko pinagbigyan ang kumpare ko, nagyabang pa eh mali naman ‘yong yabang niya. So ‘di niya ginagamit ang utak niya masyado."

Inamin ni Pacquaio noong Biyernes, Oktubre 15, na nagsabi na sa kaniya ang 'kaibigan' na hindi na siya nito susuportahan sa kaniyang kandidatura sa pagka-pangulo. Naninindigan naman si PacMan na nasa panig lamang umano siya ng tama at nararapat.

Matatandaang laging kasama si Chavit sa tuwing may laban ito sa ibang bansa. Nitong Agosto, kapansin-pansing hindi kasama ng Pambansang Kamao ang kaibigang Ilocos Sur kingpin, sa kaniyang laban kay Yordenis Ugas.

Hindi pa umano masabi ni Chavit kung kailan sila magkakaayos ni PacMan. Hihintayin na lamang niya umano na matalo ito. Posible naman umano ang reconciliation subalit medyo matatagalan pa.