Kasabay ng pananalanta ng nakamamatay na coronavirus na masyado nang nagpahirap sa sangkatauhan mula sa iba't ibang panig ng daigdig, matindi ring problema ang gumigiyagis ngayon sa ating mga magsasaka; binabarat o binibili sa napakababang presyo ang kanilang mga inaning palay na sinasabing kagagawan ng ilang mapanlamang na rice traders.
Sa gayong sitwasyon, hindi nababawi ng mga magbubukid ang malaki-laki rin namang production costs na inilalaan nila sa pagpapalago ng ani. Idagdag pa rito ang iba pang gastos sa preparasyon ng mga bukirin na tulad ng upang-tanim, upang-giik, upang-hakot at iba pa. Dahil sa halos wala nang kinikita sa pagsasaka, may pagkakataon na binabalak na nilang iwanan ang mga bukirin upang humanap ng higit na kapaki-pakinabang na pagkakakitaan para sa kanilang pamilya.
Hindi matatawaran ang malaking pakinabang natin sa ating mga kababayang magsasaka. Sila ang malimit ituring na mga gulugod ng bansa o backbone of the nation na nakatutulong nang malaki sa pagpapaangat ng ating ekonomiya; ang malaking kantidad ng kanilang inaani -- lalo ang mga magbubukid mula sa mga lalawigang mataas pag-anihan ng palay -- ay nagpapalaki sa ating buffer stock na pantugon sa kakulangan ng pagkain sa panahon ng kagipitan.
Mabuti na lamang at ang gayong pasanin ng mga magsasaka ay pinagaan ng magkatuwang na pagsisikap ng Department of Agriculture (DA) at ng National Food Authority (NFA). Sila ang bibili ng mga aning palay upang matiyak ang resonableng presyo para sa kapakinabangan ng mga magbubukid. Magiging katuwang din sa ganitong pagsisikap ang mga local government units (LGUs) at ang mismong mga multi-purpose cooperatives na mga magsasaka mula sa tinatawag na top-rice producing areas.
Sa aking pagkakatanda, magiging katuwang din dito ang mga lalawigan na maituturing na mga rice granary ng ating bansa -- mga lalawigan na malakas pag-anihan ng palay. Ang lalawigan ng Nueva Ecija, halimbawa, ay naglaan ng P2 bilyong pondo upang ipambili ng palay sa aming lalawigan; agri loan mula sa Development Bank of the Philippines (DBP). Sinasabi na maging ang lalawigan ng Isabela at iba pang lugar sa Central Luzon ay naglaan din ng gayong halaga upang mabiling lahat, hangga't maaari, ang ani ng ating mga kababayang magsasaka upang matiyak ang kanilang pakinabang at hindi malamangan ng mga rice traders.
Bukod sa gayong mga pagsaklolo sa ating mga magbubukid, hindi dapat mag-atubili ang kinauukulang mga ahensya sa pag-ayuda sa naturang sektor ng agrikultura upang lalo pang umunlad ang pagsasaka sa ating bansa.