Larawan mula sa Manila Bulletin

Ika-23 ng Disyembre taong 2016 nang pumasok ang Bagyong Nina sa Philippine Area of Responsibility (PAR). Lalo pa itong lumakas noong Disyembre 24 at nag-landfall sa lalawigan ng Catanduanes noong gabi ng Disyembre 25. Bandang alas-tres ng hapon noong Pasko, nakatanggap ako ng mensahe na magtungo sa central office at gumawa ng report tungkol sa pinsalang natamo ng mga probinsyang nasalanta ng Bagyong Nina.

Ang sabi sa amin, gusto ng Pangulo na nasa lamesa na niya ang report kinabukasan, kasama na ang mga hakbang na gagawin ng DPWH. Iniutos agad ni Sec. Mark Villar ang pagpapadala ng mga prepositioned equipment at ang agarang paglilinis ng mga apektadong kalsada para magbigay daan sa pamamahagi ng mga relief goods.

Pagsapit ng Disyembre 27, nandoon na kami kasama si Mayor Duterte—una sa Catanduanes, at pagkatapos ay sa Camarines Sur. Hindi siya sumama sa gift-giving ceremony at tinawag itong ‘corny’ at masyadong madrama. Sa halip ay kinausap niya ang kaniyang mga tao at sinabihan na gawin ang nararapat. Para sa DPWH, mayroon lamang kaming 48 oras upang matiyak na malinis at maaari ng daanan ang mga kalsada.

National

Bagyo sa labas ng PAR, pinangalanan nang ‘Romina’; Signal #1, itinaas sa Kalayaan Islands

Ito ang unang pagkakataon na nakasama ako sa delegasyon ng Pangulo at agad akong nagsisi na wala akong dinalang pagkain. Hindi iyon ang inaasahan ko. Sa katunayan, alas-singko na ng hapon ay pinaghatian na lang naming mga nasa eroplano ang dalawang pirasong Skyflakes na dala ni Sec. Briones.

Noong sumunod na Pasko, Bagyong Urduja naman ang tumama sa probinsya ng Biliran. Si Mayor Duterte pa rin ang naunang dumating. Nakita niya ang pinsala sa Caray-Caray Bridge at inatasan niya si Sec. Mark na siguraduhing madadaanan ang tulay sa loob ng isang buwan. Nang makita ko ang pinsala, naisip kong imposible ang isang buwan. Ngunit sa huli, natapos sa takdang oras ang proyekto. Kung may isang bagay na palaging itinuro sa amin si Mayor Duterte, iyon ay—mahalaga ang agaran at mabilis na aksyon.

Dehado sa Pulitika

Noong 2016 presidential elections, itinuturing na dehado o political underdog si Rodrigo Duterte. Hindi inasahan ng mga tinatawag na Philippine kingmakers ang kaniyang biglang pag-angat laban sa mga mas sikat na kandidato. Hindi pa nagkaroon ng Pangulo ng Pilipinas na galing sa Mindanao. Siya ang kauna-unahan sa loob ng 117 na taon.

Ang pamamahala sa isang bansang tulad ng Pilipinas ay isang malaking hamon. Ano’ng mensahe ang ipadadala mo sa isang bansa na may higit sa 7,640 na mga isla na nagsasalita ng higit sa 111 na mga wika?

Sa umpisa pa lang ay malinaw na kay Pangulong Duterte kung ano ang nais niya para sa bansa—isang mas ligtas na Pilipinas para sa susunod na henerasyon—isang bansa nagbibigay ng pantay na oportunidad sa lahat ng Pilipino—anuman ang kanilang relihiyon, pangkat na kinabibilangan, o kasarian.

Ang pangarap niya ay isang Pilipinas na kung saan bawat bata ay malayang maghangad na maging Pangulo—siya man ay nakatira sa Sultan Kudarat, Northern Samar, Masbate, Davao, Makati, o Ifugao. Nais niyang buksan ang pinto ng oportunidad sa susunod na henerasyon, at kung hindi ito posible—gagawa siya ng pintuan para sa kanila.

Noong Agosto 2017, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang RA 10931, ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, na nagbibigay ng pagkakataon sa mga mahihirap na Pilipino na makapagpatuloy sa kolehiyo sa pamamagitan ng libreng matrikula at iba pang exemption sa mga bayarin sa State Universities and Colleges (SUCs). Sa ilalim din ng batas ay mayroong Tertiary Education Subsidy upang mabigyan ng pagkakataon ang mga mahihirap na mag-aaral na makapasok sa mga pribadong kolehiyo sa mga lugar na walang SUC.

Hindi nalilimutan ni Pangulong Duterte kung sino ang kaniyang ipinaglalaban at palagi niyang ipinagtatanggol ang mga walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili. Para sa kaniya, lahat ng batang Pilipino ay dapat makapag-aral nang walang initindinding takot sa krimen o terorismo.

Personal para sa kaniya ang nangyaring Marawi siege. Kaya sinigurado niya na agad na makalalaya ang mga taga-Marawi mula sa mga miyembro at kasabwat ng ISIS at Abu Sayyaf. Nandoon siya mismo sa lugar ng digmaan at armado ng rifle nang makuha muli ng pwersa ng gobyerno ang Islamic center—ang pangunahing mosque kung saan nagtago ang mga militante kasama ang kanilang mga hostage.

Kahit na pinagbawalan siya ng kaniyang mga tao ay nagpunta ang Pangulo sa pangunahing lugar ng digmaan at nagtungo sa mga komunidad na napinsala sa labanan.

Hindi ko pa siya nakikita na natakot kahit isang beses—hindi sa harap ng mga militante, o makapangyarihang tao, o kahit sa kamatayan. Para sa Pangulo, siya ang dapat magbigay ng lakas at proteksyon sa mga Pilipinong walang lakas at kapangyarihan.

Build, Build, Build 

Mataas ang pangarap ni Pangulong Duterte para sa Pilipinas. Nais niyang bumuo ng infrastructure network sa bawat rehiyon sa bansa na magtutulak sa Pilipinas na makamit ang trillion-dollar economy. Hindi niya alintana kung kanino ibibigay ang pasasalamat o papuri para sa mga proyektong ito. Dahil ang mahalaga sa kaniya ay matapos ang mga imprastrakturang inilatag ng administrasyon sa lalong madaling panahon, para ang mga magsasaka ng Isabela ay hindi na kailangan tahakin pa ang 74-kilometrong kalsada tuwing umuulan; para ang mga taga-Lanao del Norte ay makakarating na sa Misamis Occidental sa loob lang ng pitong minuto (sa halip na tatlo’t kalahating oras); at para ang mga residente ng Metro Manila ay hindi na magtitiis ng tatlong oras na biyahe mula sa Lungsod ng Quezon hanggang Muntinlupa.

Nang malaman ng Pangulo na isa sa mga dahilan ng pagkakaantala sa mga infrastructure project ay ang delay sa paglabas ng mga permit, itinulak niya ang pagsasabatas ng RA 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.

Dahil sa mga reporma na kaniyang ipinatupad ay umakyat ang Pilipinas ng 29 na hakbang sa The World Bank - Doing Business Report, mula sa ika-124 noong 2019 ay umakyat ito sa ika-95 noong 2020.

Masyadong maikli ang anim na taon para malutas ng sinumang Pangulo ang mga suliranin ng ating bansa. Ngunit malinaw kay Mayor Duterte na sa bawat metro ng kalsada, tulay, at riles na aming itinatayo, ay may nagbubukas na oportunidad para sa libu-libong Pilipino na noon ay hindi makapunta sa ospital, paaralan, o lugar ng trabaho.

Mula noong 2016, mahigit limang taon mula nang umupo sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte, may kabuuang 29,264 kilometro na mga kalsada, 5,950 na mga tulay, 11,340 na mga flood control projects, 214 na mga airport projects, 451 na mga commercial at social tourism projects, 222 na evacuation centers, 89 na mga TIKAS projects, 150,149 na mga silid-aralan, at 653 COVID-19 facilities na ang nakumpleto at napakikinabangan ngayon ng mga Pilipino. 

Anna Mae Lamentillo