Para sa sikat na showbiz columnist, talent manager, at showbiz vlogger na si Ogie Diaz, mas makabubuti kay Robin Padilla na huwag nang tumakbo sa eleksyon at pasukin ang masalimuot na mundo ng pulitika.
"Kung ako ang tatanungin, magandang huwag nang tumakbo si Robin," diretsahang pahayag ni Ogie.
"Kasi mas na-aapreciate ang kaniyang mga tulong, mas na-aapreciate yung kahit wala kang posisyon pero tumutulong ka, iyon… feeling ko… akin 'yan ah, ayaw ko na siyang pasabakin sa pulitika, pero kung iyan ang isinisigaw ng kaniyang puso, at sabi nga niya, medyo mabigat, madugo kung tatakbo siya eh," ani Ogie.
Matatandaang humingi ng payo at mungkahi si Robin sa taumbayan kung pelikula ba o pulitika ang kaniyang pagtutuunan nang pansin. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng Facebook Live.
Basahin: https://balita.net.ph/2021/09/19/tanong-ni-robin-padilla-sa-taumbayan-pelikula-o-pulitika/
Tatlong posisyon ang pinag-iisipan at pinamimilian umano ng aktor: tatakbo ba siya bilang senador, gobernador ng Camarines Norte, o mayor sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte. Dating mayor dito ang kaniyang ama.
Kung sakali namang hindi siya kumandidato at manatili sa kaniyang showbiz career, may alok sa kaniyang gawin ang mga pelikulang ‘Bad Boy 3’ at ‘Mistah 2’.
Pa-poll ni Binoe sa mga netizens, pelikula o pulitika?
“Kaya kayo na lang po ang tatanungin ko, mga mahal kong kababayan, kung ano sa palagay n’yo ang dapat kong gawin. Kayo na po ang magdesisyon kung sa pulitika tayo o pelikula,” aniya.
Going back to Ogie, nanawagan siya kay Robin na pag-isipan nitong mabuti ang kaniyang desisyon.
"Ako naman ay naniniwala sa iyong pagkatao, although magkaiba ang ating political views, oo, nandoon ka sa kanan at ako naman ay nasa kaliwa, kung senador ang iyong tatahakin ay susuportahan kita. Pero huwag mo nang taasan sa pagka-senador, ha?" pahayag pa ng showbiz columnist.