Nananatiling matigas ang paninindigan ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na hindi pasasakop at makikipagtulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) tungkol sa kanyang mabangis at madugong pakikipaglaban sa illegal drug sa Pilipinas.
Sa mga ulat, may 6,181 na ang napatay ng mga pulis sa mahigit na 200,000 operasyon nito mula noong 2016 laban sa pinaghihinalaang drug pushers at dealer bagamat ayon sa mga kritiko ng drug war ng Pangulo, mahigit na sa 30,000 mamamayan ang napatay ng PNP at ng iba pang ahensyang gobyerno. Tanong ng kaibigan kong sarkastiko: "Meron bang big-time drug lords na napatay o hinahayaang makalabas ng bansa"?
Iginiit ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo noong Huwebes, walang hurisdiksyonang ICC sa Pilipinas upang magsagawa ng pagsisiyasat laban sa Punong Ehekutibo.
Nitong Miyerkules, inawtorisahan ng ICC judges ang pagsasagawa ng isang full-blown investigation hinggil sa madugong anti-narcotics campaign ng administrasyong Duterte. Sa tantiya ng rights group, ang kampanya ni PRRD laban sa illegal drugs na ang karamihang napapatay ay mga ordinaryong drug users at pushers, ay umaabot na sa libu-libong tao na maituturing na isang sistematikong pag-atake sa mga sibilyan.
"Hindi makikipag-cooperate ang Pangulo sapagkat una sa lahat, ang Pilipinas ay kumalas na sa Rome statute kung kaya ang ICC ay wala nang hurisdiksyonsa bansa," pahayag ni Panelo.
"Hindi papayagan ng gobyerno na makapasok ang sino mang ICC member upang humanap at mag-ipon ng impormasyonat ebidensyadito sa Pilipinas. Sila ay pagbabawalang makapasok," ani Panelo.
Paulit-ulit na binabanatan ni Duterte ang world's only permanent war crimes court (ICC), at tinawag niya itong "bulls**t" at nangakong kailanman ay hindi makikipagtulungan sa imbestigasyon.
Binatikos si PRRD ng mga tao sa mundo nang tanggalin niya ang Pilipinas sa ICC matapos na ang hukuman ay maglunsad ng isang preliminary investigation sa kanyang drugs crackdown. Marami ang naniniwala na kapag wala na sa puwesto si Mano Digong, katakut-takot na kaso ang kakaharapin niya kaugnay ng madugong giyera sa illegal drugs, na karamihang napapatay sa mga operasyon ay mahihirap at ordinaryong tao na nakatsinelas lang.
Marami rin ang naniniwalang hindi nanlaban ang mga biktima, na sila'y nilagyan lang baril at ang mga illegal drugs na natagpuan sa kanila.
-0-0-0-Mga kababayan, patuloy ang pagdami ng mga kaso ng Covid-19 sa ating bansa sanhi ng iba't ibang variants, partikular ang Delta variant na lubhang mabagsik, madaling makahawa. Mag-ingat tayong lahat. Sundin na ang simpleng patakaran sa kalusugan: "Laging maghugas ng mga kamay, laging magsuot ng face mask/shield, panatilihin ang tamang agwat, iwasan ang maraming tao at malalaking pagtitipon". Mahirap bang sundin ang mga ito?