"Precious jewel is finally home."
Isa na ngang opisyal na Kapamilya ang multi-talented artist at showbiz royalty na si Lovi Poe, matapos niyang pumirma ng kontrata sa network, kasama ang ABS-CBN bosses nitong Huwebes, Setyembre 16.
Isang red carpet welcome ang inihanda para sa kaniyang pagdating sa ABS-CBN compound. Sinalubong siya nina ABS-CBN president at CEO Carlo Katigbak, COO of broadcast Cory Vidanes, group CFO Rick Tan, at Dreamscape Entertainment head Deo Endrinal. Kasama ni Lovi ang talent manager niyang si Leo Dominguez para sa bonggang contract signing ceremony.
"The guessing game is over as ABS-CBN revealed its new precious jewel, Lovie Poe," saad sa official Facebook at Instagram account ng Dreamscape Entertainment.
Ang kauna-unahang Kapamilya teleserye na pagbibidahan niya ay ang Philippine adaptation ng Korean drama na 'Flower of Evil' katambal si ultimate heartthrob Piolo Pascual, na pumirma na rin ng kontrata sa kaniyang home network. Tinupad niya ang kaniyang pangakong muling magbabalik.
“At the end of the day, I never left. I’m a Kapamilya through and through, I don’t have to reiterate that. I’ll be back home for sure, pagkatapos ng mga meetings for sure.”
Ang huling teleserye ni Papa P ay ang “Since I Found You” kasama sina JC de Vera, Alessandra de Rossi, Empoy, at Arci Muñoz.
Going back to Lovi, kung tutuusin ay hindi na siya bagong salta sa balwarte ng Kapamilya Network. Kamakailan lamang ay bumida siya sa 2020 iWantTFC original movie na “Malaya,” kung saan nasama siya sa nominasyon bilang Gawad Urian Best Actress.
Bukod dito, nakapag-guest na rin siya sa ilang mga programa ng ABS-CBN gaya ng 'Gandang Gabi, Vice,' 'Magandang Buhay,' Tonight With Boy Abunda,' at 'The Buzz.'
Bago ang big reveal, nagpasalamat muna siya sa GMA Network na naging tahanan niya sa loob ng 15 taon. Aniya, mananatili umano sa kaniyang puso ang dating tahanan, na naunang sumugal sa kaniyang tuparin ang kaniyang mga pangarap at hulmahin ang kaniyang mga talento.
"The projects I've done in the past were amazing. I feel like we get to a point where we step out of our comfort zone and we want to take up new adventures in life," tugon niya sa media conference hosted by Robi Domingo, sa tanong na kung bakit siya lumipat ng ABS-CBN.
Ilan sa mga tumatak na proyekto ni Lovi sa Kapuso Network ay ang 'Bakekang,' 'Ang Dalawang Mrs. Real,' 'Owe My Love,' at marami pang iba.
Ang iba pang A-listers at homegrown talent na lumipat ng Kapamilya Network ay sina Janine Gutierrez at Sunshine Dizon na magkasama sa romantic comedy series na 'Marry Me, Marry You' na gawang Dreamscape din.
Samantala, matapos makapirma ng kontrata bilang Kapamilya, isang simple subalit makahulugang Instagram post ang ibinahagi niya.
"Para sa iyo, Papa," na may tatlong pusong sumisimbolo ng mga kulay ng ABS-CBN.