Sinabihan ni Bise Presidente Leni Robredo si Presidential spokesman Harry Roque na wala itong karapatang "mam-bully" o "mambastos." 

Ito'y matapos magalit sa mga doktor dahil umano sa pambabatikos nila sa pandemic response ng gobyerno at panawagang magpatupad ng hard lockdown upang mapababa ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Pinayuhan ni Robredo si Roque na huwag nang dumalo sa mga pagpupulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases, kung saan siya ay miyembro, kung hindi niya kayang tumanggap ng kritisismo o salungat na opinyon.

"Kung merong ibang tao na kausap mo na iba iyong pagtingin sa mga bagay, wala ka namang karapatan na mag-reactthe way na Secretary Roque did. Kaya nga may IATF para mapakinggan lahat," ani Robredo sa kanyang weekly radio show ngayong Linggo, Setyembre 12.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

“Kung hindi ka agree, okay naman sabihin mong hindi ka agree pero wala kang karapatan na mam-bully, mambastos," dagdag pa niya.

Layunin sana ng pagpupulong na pagtugmain ang iba't ibang opinyon at pananaw para makapaglabas ng tamang solusyon sa problema.

“Kung ayaw mong makinig ng contrary opinion, 'wag ka nang pumunta dun kasi iyon ang purpose ng meeting,” ani Robredo.

Gayunman, hindi umano kaya ni Roque na "humawak" ng iba't ibang pananaw nang maaktuhan siyang nagagalit sa isang teleconference call, kasama ang grupo ng mga medical experts matapos tumutol ang mga health care workers sa plano ng gobyerno na ipatupad ang granular lockdowns mula sa region-wide quarantine classifications.

Sa kumalat na video, ilang beses dinuro umano ni Roque at pinagtaasan ng boses si Dr. Maricar Limpin, presidente ng Philippine College of Physicians (PCP).

Inakusahan din umano ni Roque ang grupo nito na "wala silang sinabing maganda sa pagtugon ng gobyerno laban sa pandemya."

Ang galit aniya ni Roque ay "very misplaced" at sinabing kung mayroon mang namumulitika, tulad ng sinabi ng palace official, ay sila raw iyon.

“Kung nakinig lang tayo sa  health experts from the very start siguro ngayon hindi na kasing lala. Kasi kaming mga government officials, nandiyan kami hindi para sa sarili namin pero nandiyan kami kasi nire-represent namin ‘yung taumbayan," aniya pa.

Raymund Antonio