Nagsimula na nitong Huwebes, Setyembre 9, ang paghahain ng aplikasyon para sa Senior High School (SHS) Voucher Program ng Department of Education (DepEd).

Kaugnay nito, hinikayat ng DepEd ang mga Grade 10 completers na interesadong lumahok sa SHS Voucher Program na magsumite na ng kanilang aplikasyon.

Anang DepEd, ang deadline para sa paglikha ng Online Voucher Application Portal (OVAP) account ay hanggang sa Setyembre 21, 2021 lamang.

Mayroon lamang rin anilang hanggang Setyembre 23, 2021 ang mga aplikante upang maghain ng kanilang aplikasyon para sa programang ito ng DepEd.

Eleksyon

Mga mananalong senador sa eleksyon, inordenahan ng Diyos — Tito Sotto

Nakatakda namang ipaskil ng DepEd ang resulta ng aplikasyon at pagsisimula ng voucher redemption sa Oktubre 11, 2021.

“Para makapag-apply, bisitahin ang OVAP dito:ovap.peac.org.ph,” anang DepEd.

Nabatid naman na ang mga kinakailangan na lamang namang mag-aplay para sa SHS voucher program ay ang mga Grade 10 completers na mula sa private junior high schools, dahil hindi sila kabilang sa automatic voucher recipients.

Awtomatiko naman nang makakakuha ng vouchers para sa Grade 11 ang mga mag-aaral na nakakumpleto ng Grade 10 sa mga pampublikong paaralan ng DepEd at sa mga state at local universities and colleges (SUCs/LUCs), gayundin ang mga Education Service Contracting (ESC) grantees na nag-aaral sa mga pribadong paaralan.

Ang SHS Voucher Program ay ang programa ng pamahalaan na nagkakaloob ng subsidiya o tulong pinansiyal para sa mga mag-aaral sa SHS.

Sa pamamagitan ng naturang financial assistance program ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga kuwalipikadong Grade 10 completers na makapag-aral ng SHS sa mga pribadong paaralan, SUCs at LUCs, na nag-aalok ng SHS.

Sa ilalim ng programa, ang mga kuwalipikadong SHS students ay pagkakalooban ng pamahalaan ng subsidiya para sa kanilang tuition fee at iba pang school fees, depende sa kategorya ng aplikante.

Mary Ann Santiago