Pinatunayan ng Pilipinang si Rona "Inday Roning" na kasalukuyang nasa Florida, U.S., na may pera sa basura.

Larawan: Inday Roning/YouTube

Siya ay isang dumpster diver o taong nagche-check ng mga basurahan upang mangolekta ng mga pagkain at gamit na maaari pang kainin at mapakinabangan, at magsi-siyam na buwan na siya sa gawaing ito.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Mula sa pangangalakal ng basura, nakakakuha si Inday Roning ng mga prutas, gulay, at iba pang pagkain na kanyang inihahain sa kanyang pamilya.

Bago niya lutuin, nililinis niya ito sa pamamagitan ng pagbababad sa baking soda at suka, kaya naman naniniwala siya na ligtas ito kainin.

Nakakatipid siya ng malaking halaga dahil sa pagda-dumpster diving na niya nakukuha ang kakainin ng kanyang pamilya sa araw-araw.

Ibinahagi ni Inday Roning sa isang programa ng GMA na "Brigada" na nakakatipid siya ng 1500 dolyar bawat buwan mula sa kanyang pangangalakal.

Larawan: Brigada/YouTube

Ayon sa kanya, hindi pa sila nabokya ni isang araw sa kanilang pagda-dumpster diving.

Suportado naman si Inday Roning ng kanyang asawa.

"… ang asawa ko po ay very supportive po sa aking pagda-dumpster," pagbabahagi niya sa segment ng Eat Bulaga na "Bawal Judgemental."

Ikinwento niya sa segment na iyon kung paano siya nagkaroon ng interes sa gawaing ito.

"Ganon lang po rin, na-engganyo rin ako sa dami ng pagkain na tinatapon at nakikita ko rin sa daan kasi na maraming mga gamit na tinatapon kaya po ayan na-engganyo po ako dyan sa dami po," ani Inday Roning.

Ginagawa niya ang pangangalakal sa basurahan malapit sa mga grocery stores at supermarket dahil kapag may isang bulok sa kumpol ng pagkain, tinatapon na nila kahit maayos pa ang iba.

Dagdag pa niya, marami rin siyang nakakasabay na dumpster diver rin pero kung sino ang nauna sa dumpster ay pagbibigyan nila ngunit kung kami sila Inday Ronin ang nauna, ibinabahagi naman niya ang mga nakolekta niya.

Kung sakaling makakuha siya ng mga nabuksan nang pagkain ay pinapakain niya sa mga hayop o kaya ay ginagawa niyang pataba sa kanyang pananim.

Isang ulirang housewife si Inday Roning na may isang anak kaya naman gabi niya ginagawa ang pagda-dumpster diving pagtapos magsarado ng mga tindahan.

Larawan: Inday Roning/YouTube

Samantala sa umaga, rumaraket siya sa kanyang mga part-time jobs tulad ng pag-aalaga ng aso at bilang isang driver.

Bukod sa pagiging masinop, nakaugalian na ni Inday Roning na maging mapagbigay.

Aniya, nilalagay niya ang ibang pagkain at kagamitan sa mga blessing boxes. Gayundin, nagbabahagi siya sa ibang lahi at higit sa lahat ay sa mga kapwa niyang Pilipino roon.

Lumaki siya sa pagtatanim at doon nila nakukuha ang kakainin nila sa kanilang pang-araw-araw kaya naman malaki ang pagpapahalaga niya sa pagkain.

Ayon sa kanya, legal naman ang pagda-dumspter diving kaya ipinagpapatuloy niya ito. Ang dapat lang iwasan ay ang mga may paskil na "no trespassing."

Kaya naman nirerekomenda rin niya ang gawain ito.

"Maging masinop po tayo sa mga pagkain hindi po natin. Hindi po tayo magsasayang dahil ito pong mga pagkain na 'to ay mapakinabangan pa at yung iba maraming nangangailangan ng pagkain ngayon. So ang payo ko po ay tignan natin magdive-dive po tayo," payo ni Inday Ronin sa mga nais maging dumpster diver.