Tulad ng paniniwala ng iba't ibang grupo ng mga magbubukid sa iba't ibang sulok ng kapuluan, ako man ay nawawala, wika nga, kung bakit laging lumulutang ang mga alegasyon hinggil sa sinasabing kakulangan ng bigas sa mga pamilihan. Isipin na lamang na sa mismong lalawigan namin sa Nueva Ecija -- ang tinaguriang rice granary of the Philippines -- laging sapat ang ani na hindi malayong laging tumatagal hanggang sa susunod na crop season. Sa katunayan, napipinto na naman ngayon ang tinatawag na 'bountiful harvest' na natitiyak ng ating mga magsasaka na magkakaroon ang bansa ng sapat na pagkain.
Hindi miminsang ipinangangalandakan ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA), na labis-labis ang produksiyong palay taun-taon. Ibig sabihin, walang nagiging problema sa kakapusan ng bigas sa mga palengke: ang ating inaani ay labis-labis hanggang sa mga first quarter ng bawat taon.
Sa bahaging ito, hindi maiwasang lumutang ang mga pag-uusisa: Bakit kailangan pang umangkat ng bigas ang gobyerno? Bahagi ito ng mga pangamba ng ilang grupo ng ating mga kababayan na ang karamihan ay umaasa lamang sa patak ng ulan dahil sa kakulangan ng mga irigasyon; ang pagpapaunlad sa mga patubig, sa kanilang pananaw, ang dapat atupagin ng mga awtoridad sa halip na pagtuunan ng pansin ang rice importation.
Maikli at madaling unawain, sa kabutihang-palad, ang paliwanag ng gobyerno tungkol sa naturang masalimuot na isyu: Ang pag-angkat ng bigas ay itinatadhana ng Rice Tariffication Law (RTL) na pinagkukunan ng taripa para sa benepisyo ng mga magbubukid. Ibig sabihin, ang P10 billion tax na nakukuha sa naturang batas ay ibinibili ng mga agricultural mix machinery at iba pang ayuda sa mga magsasaka.
Kabilang dito ang pamamahagi ng libreng binhing palay (inbred at hybrid variety) na malaking pag-anihan. Mula rin sa naturang buwis ang mga libreng abono o fertilizer na magagamit ng ating mga kababayan sa buong panahon ng kanilang pagsasaka. Ang mga ito ay patuloy na ipinamamahagi, ayon pa rin sa aming mga kalalawigang magbubukid, sa kabila ng pananalasa ng pandemya at mga lockdowns.
Hindi malayo, kung gayon na ang mga lumutang na mga pangamba tungkol sa kakulangan ng bigas ay bunsod ng nakadidismayang estratehiya ng mga price manipulators na nahirati sa paglikha ng artificial rice shortage para sa kanilang kapakinabangan.
Naniniwala ako na ang gayong pananaw ang makapapawi sa pangamba ng sambayanan na may kakulangan sa rice supply.