Noong itinalaga si Secretary Mark Villar sa Department of Public Works and Highways (DPWH), marami ang hindi bilib sa kanya. Pero para sa akin, siya ang tama para sa posisyon. Ilang beses na niyang ipinakita na kaya niyang mamuno maging sa kritikal na sitwasyon.  

Photo courtesy: Sec. Mark Villar/FB

Noong nag-inspeksyon kami sa Marawi ilang araw matapos mapatay sila Isnilon Hapilon at Omar Maute, kinailangan naming magmadali sa aming aerial inspection dahil may sumabog na bomba sa gusaling malapit sa aming chopper. Kalmado lang si Secretary Mark at sinabihan kaagad ang piloto na lumipad ng mas mataas para hindi kami mapahamak. 

Human-Interest

New pet peeve unlocked: 'Parang nagfe-Facebook sa ATM dahil sa sobrang tagal!'

Photo courtesy: Night Owl by Anna Lamentillo/FB

Ibang klase ang kaniyang dedikasyon. Hindi niya iniinda kahit 18 oras siyang nagtatrabaho araw-araw para matapos ang mga imprastraktura sa ilalim ng “Build, Build, Build," dahil para sa kaniya ito ay magbibigay ng mas magandang kinabukasan para sa mga Pilipino.

Madalas alas-siyete ng umaga ay nagsisimula na ang kaniyang mga meeting. Kung minsan ay wala nang oras para mag-almusal. Pero bago siya umalis ng bahay, pupunta muna siya sa kwarto ni Emma Therese, ang kaniyang dalawang taong gulang na anak.

Kahit malalim na ang gabi, madalas ay nagtatrabaho pa rin siya. At kapag mayroong bubuksang bagong daan, dapat ang schedule ay 12:01 am. Sabi niya nga, ang pagsasaayos at pagbubukas ng mga daan ay hindi dapat makaabala sa trapik, hangga't maaari.

Marami siyang kinaharap na pagsubok sa DPWH, tulad ng ghost projects, issue sa right-of-way, at pagbabanta sa kaniyang buhay. Pero alam niyang kailangang ipatupad ang mga reporma para maisagawa ng maayos ang mga proyekto ng gobyerno.

Photo courtesy: Night Owl by Anna Lamentillo/FB

Inilunsad niya ang Infra Track app, isang fully automated na sistema ng pag-monitor ng mga proyekto. Dahil sa geotagging system, hindi madadaya ng contractor ang ipadadala niyang litrato para sa kaniyang progress report. Kaya siguradong walang ghost project sa DPWH.

Noong nagkaroon ng delay sa pagpapatupad ng Maysilo Mandaluyong Flood Control Project dahil sa matinding pagbaha tuwing umuulan, binigyan ni Secretary Mark ng ultimatum ang contractor hanggang sa katapusan ng Setyembre: “Finish the project or swim in Maysilo flood,” ang sabi niya. Tinutukan niya ang proyekto, bumibisita ng walang anunsiyo, minsan sa gitna pa ng gabi. Kaya nakahinga kami ng maluwag noong matapos ang proyekto.

Kahit gaano kahirap ang trabaho, bihirang magreklamo si Secretary Mark, maliban na lang kapag hindi na niya halos nakikita ang kaniyang mag-ina.

Hindi rin naging madali ang panliligaw ni Secretary Mark kay Undersecretary Em Aglipay-Villar. Naisip noon ni Usec. Em na hindi matatanggap ni Secretary Mark ang kaniyang kalagayan dahil sa kanyang sakit na lupus. Madalas siyang nagpupunta sa ospital, nalalagas ang buhok, nagkakaroon ng rashes, at kung minsan sa sobrang sakit ng kaniyang kasukasuan ay hindi niya kayang kumain mag-isa.

Pero matapos ang isang taon na pangungulit, pumayag din si Usec. Em na lumabas sila. Naging maayos naman iyon at nasundan pa, hanggang sa nagdesisyon siyang ipakita kay Secretary Mark ang itsura niya na walang wig at make-up. Kalbo siya noon at may butterfly rashes sa mukha. Pero sa halip na lumayo, natawa lang si Secretary Mark at sinabi sa kaniya na hindi niya kailangang magsuot ng wig at mag-make-up kapag magkasama sila. Kaya ang madalas niyang biro, “Pati asawa ko, nakuha ko sa Sipag at Tiyaga.”