Kasabay ng Pambansang Araw ng mga Bayani, ginugunita rin ang ika-125 Araw ng Pinaglabanan sa San Juan City, ngayong Lunes, Agosto 30.
Ang naturang okasyon ay pag-alaala sa pagsisimula ng Philippine Revolution laban sa mga Kastila, na pinangunahan ng bayaning si Gat Andres Bonifacio.
Pinangunahan mismo ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang selebrasyon, ganap na alas-8:00 ng umaga, na sinimulan sa pamamagitan ng isang flag ceremony, pag-aalay ng bulaklak, pagsisindi sa cauldron at 21 gun salute.
Katulad noong nakaraang taon, binigyang-pugay din ngayon ang mga frontliners sa COVID-19, na itinuturing na tunay na mga bayani sa panahong ito ng pandemya.
Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay, “Kasaysayan ng Kabayanihan at Kalayaan sa Pinaglabanan, Inspirasyon sa Paglaya mula sa Pandemya sa San Juan!”
“Since day one, we have been so grateful to our frontliners for their dedication and sacrifice in helping save lives and it is just right for us to honor them on this special day, where we do not only celebrate Pinaglabanan Day, but National Heroes Day. We are forever indebted to their service,” anang alkalde.
Nabatid naman na noong Sabado at Linggo pa lamang ay sinimulan na ang pagdiriwang sa pamamagitan nang pagpapailaw sa isang installation art na gawa sa mahigit 3,380 solar powered lights na nagpapakita ng mukha ng bayaning si Bonifacio.
Ang naturang instalasyon ng mga ilaw ay naisagawa aniya nila sa pamamagitan ng partnership sa pagitan ng city government at ng Liter of Lights.
Bukod kay Zamora, dumalo rin sa naturang okasyon sina San Juan City Rep. Ronny Zamora, Vice Mayor Warren Villa, National Historical Commission of the Philippines Chief Historic Sites Development Officer Gina C. Batuhan, Congressional District Head Office Atty. Bel Zamora, city officials, at ilang medical at non-medical heroes.
Ang National Heroes’ Day at Pinaglabanan Day sa San Juan ay sabay na ipinagdiriwang tuwing ika-30 ng Agosto.
Ang Battle of Pinaglabanan na naganap noong Agosto 30, 1896 ang kauna-unahang sagupaan sa pagitan ng mga miyembro ng Katipunan at ng mga guwardiya sibil at siyang hudyat nang pagsisimula ng rebolusyon.
Mary Ann Santiago