Inspirasyon ang hatid ng ulilang-lubos na si Vincent Carl E. Zabate, 20, sa kabataang gaya niya matapos niyang ibida ang napundar na sari-sari store mula sa kaniyang pag-iipon habang working student, na matatagpuan sa Koronadal, South Cotabato sa Mindanao.

Makikita ang larawan ng kaniyang sariling pundar na sari-sari store sa kaniyang Facebook post.

"Hayst! Ako'y lubos na hindi makapaniwala na ang mga dati kong pinangarap, unti-unti ko nang nakukuha. Malamang hudyat pa lang ito sa isang mapaghamong daang tatahakin. Maraming taon pa ang gugugulin ngunit pursigido kong susuungin ang mga hiyas ng makulay na adbentura ng aking buhay. Padayon!" saad sa kaniyang caption.

Salaysay ni Vincent sa Balita Online, magse-second year college pa lamang siya sa kursong AB Filipino sa Mindanao State University. Pareho nang sumakabilang-buhay ang kanilang mga magulang, at sila ng kaniyang kapatid na lamang ang naiwan. Namatay ang kanilang ama dahil sa stroke at sumunod naman dito ang kanilang ina dahil sa cancer. Kaya naman nagsumikap silang magkapatid na humanap ng mapagkakakitaan para mabuhay nila ang mga sarili nila.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 10 bansang hindi nagdiriwang ng Pasko

Namasukan siya bilang isang service crew sa isang fast food chain habang pinagsasabay ang kaniyang pag-aaral. Inipon niya ang mga naging suweldo niya mula rito dahil wala naman siyang ibang pinagkakagastusan dahil nga online class naman. Subalit naisip niya, kung ipagpapatuloy niya ang pagiging working student, baka mahirapan din siya sa pag-aaral.

"Sabi ko po sa sarili ko, kapag nag-continue ako magtrabaho sa fast food, hindi ako makaka-focus sa pag-aaral lalo na't online class, kaya naisipan ko talagang mag-risk which is ibenta yung motorsiklo ko sa halagang P10k para magkaroon ng puhunan at the same time, makakapag-focus ako sa online class," aniya.

image.png
Larawan mula sa FB/Vincent Carl E. Zabate

Mula umano sa pinagsama-samang benta ng motorsiklo at ipon mula sa pamamasukan sa fast food chain, nakabuo siya ng puhunan para sa kanilang sari-sari store: hawak na niya ang oras niya, kumikita pa siya. Mga nasa P5k hanggang P6k umano ang kinikita nila rito kada linggo.