Noong nagsimula ang Skyway Stage 3, ako ay freshman pa lamang sa law school. Araw-araw kong nadaraanan ang ruta ng proyekto na magdurugtug sa North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX). At that time, nagtatrabaho pa ako para sa United Nations at ang opisina namin ay nasa RCBC Plaza sa lungsod ng Makati.
Maraming araw kong pinangarap na sana mabilis nilang matapos ang paggawa sa daan. Sa bawat minuto na mapapabilis ang aking biyahe, siya ring ihahaba ng oras para sa pagtulog at pag-aaral.
Hindi ko batid na magiging parte pala ako ng Skyway Stage 3 project ilang taon matapos ito magsimula.
May haba na 18 km, layon ng Skyway Stage 3 project na paiksiin ang biyahe mula Makati at Quezon City ng 75%. Ang biyahe na dati aabutin ng dalawang oras, bente minutos nalang.
Dito ko nalaman ang problema kung bakit 'di makausad-usad ang proyekto. Naantala ito dahil “hindi feasible” ang original na plano particular sa Seksyon 2B mula Pandacan hanggang Sta. Mesa sa Manila.
Mantakin mo, mula nung nasimulan ang proyekto hanggang noong Nobyembre 2017, napakabagal ng pagkuha ng right of way.
Halimbawa, ang site possession para sa buong proyekto ay nasa 8.64% lamang. Bago inilabas ni Secretary Mark Villar ang Department Order 65, Section 1 lamang ng Skyway Stage 3 ang may progress, which was only at 34.85%.
Walang nakuhang right-of-way para sa Seksyon 2A at 2B samantalang ang Seksyon 3 at 4 naman ay nasa 2.86% at 5.5% lamang.
Ang paglipat ng 47 poste ng National Grid Corporation at ng 1,312 na poste ng Meralco ay nagsimula lamang noong Mayo 2017.
Malinaw na kinailangang baguhin ang orihinal na plano.
Noong Mayo 2017, nakatanggap si Secretary Mark Villar ng panukala mula sa San Miguel Corporation para maihanay ang Seksyon 2B gamit ang San Juan River alignment.
Nilagdaan ang Memorandum of Agreement noong Oktubre 25, 2019, kasama ang pagtayo ng struktura na mag-uugnay sa Metro Manila Skyway Stage 3 at sa NLEX SLEX Connector, isang 8-km 4-lane toll expressway mula NLEX Harbor Link Segment 10 sa C3 Road, Caloocan City, hanggang PUP Sta. Mesa sa Maynila.
Matapos ang 12 buwan, ang konstruksyon para sa pangunahing bahagi ng Skyway Stage 3 ay nakumpleto. Ngayon, ang byahe mula Makati papuntang Quezon City ay naging bente (20) o trenta (30) minutos na lamang. Ang SLEX at NLEX — di na inaabot ng isang oras.
Ang problemang kinaharap ng Skyway Stage 3 ay problema sa napakaraming proyekto.
Halimbawa, anim na pangulo ang nagdaan bago nakumpleto ang Radial Road 10 - isang 9.7-km na daan na bumabaybay sa Delpan Bridge sa Tondo, Maynila, hanggang sa bukana ng Malabon River sa Bangkulasi Bridge, C-4 Road, sa Navotas City.
Ang Mindanao Avenue Extension naman – isang proyekto na nagdurugtong sa North Caloocan sa North Luzon Expressway at Quezon City - naantala ng halos apat na dekada.
Sa Mindanao, nabuksan na rin sa wakas, sa panahon ni Presidente Rodrigo Duterte ang Cagayan de Oro Coastal Road, isang proyekto na unang pinondohan noong 1997. Ngayon, nagsisilbing bypass road na ang 12.77 km highway mula Barangay Gusa hanggang sa Barangay Igpit, Opol, sa Misamis Oriental.
Mga Reporma sa DPWH
Noong 2016, nang inilunsad ng administrasyong Duterte ang programang “Build, Build, Build," itinaguyod ni DPWH Secretary Mark Villar ang ilang reporma sa ahensiya partikular ang pagproseso ng right-of-way, kasama na ang pagbuo ng Right-of-Way Task Force sa bawat priority project.
Kung dati walang kakayahang legal ang bawat distrito, ngayon mayroon ng legal division ang bawat implementing office.
Bukod dito, mandatory na ang naging paggamit ng Infra-Track App, isang software na nakakadetect ng ghost projects real time sa pamamagitan ng geotagging.
Mula July 2016, nakumpleto ng DPWH ang 29,264 km na daan, 5,950 na tulay, 11,340 flood mitigation structures, 222 evacuation centers at 150,149 classrooms.
Anna Mae Lamentillo