Inanunsyo ng San Juan City government nitong Martes na nakamit na ng lungsod ang herd immunity laban sa COVID-19.

Sinabi ni San Juan City Mayor Francis Zamora, sa Laging Handa press briefing, na nasa 98,590 indibidwal na ang nabigyan nila ng dalawang doses ng COVID-19 vaccines o fully-vaccinated na.

Ayon kay Zamora, ang naturang bilang ay lampas na sa target population, base sa Philippine Statistics Authority 2020 census kung saan lumilitaw na ang 70% ng populasyon ay 88,443, at sa projected population ng Asian Development Bank (ADB) na 92,759.

“Ako po ay natutuwa na ipaalam sa inyo na ang San Juan po ay, as of yesterday, kami po ay nakapagbakuna na po ng 147,421 sa kanilang first dose, at 98,590 para sa kanilang second dose,” ani Zamora.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Ibig sabihin po ay 111.47% na ang fully vaccinated sa lungsod ng San Juan at yan po ay aming nakamit as of yesterday (Lunes, Agosto 9),” aniya pa.

Sa isang mensahe naman, sinabi rin ng alkalde na fully-vaccinated na rin ang mga persons with comorbidities sa lungsod.

“We have also fully vaccinated our A3 - persons with comorbidities - 152% already,” aniya pa.

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Zamora sa publiko na ipagpapatuloy pa rin ng lokal na pamahalaan ang pagbabakuna ng kanilang mga residente at tutulong sa national government upang makamit ang herd immunity ng bansa.

Batay sa datos ng San Juan LGU, hanggang nitong Agosto 9, ay mayroon na silang 315 aktibong kaso ng COVID-19; 9,388 recoveries, at 234 deaths.

Sinabi naman ni Zamora na ang karamihan sa mga COVID-19 cases sa lungsod ay asymptomatic o mayroon lamang mild na sintomas.

Kumpiyansa ang alkalde na ito’y dahil na rin sa ginawa nilang pagbabakuna sa mga residente.

“So, nakikita natin na bagamat tumataas ang mga kaso, dahil bakunado ang ating mga mamamayan, kahit magka-COVID ka, eh mananatili kang mild to asymptomatic,” aniya pa.

Mary Ann Santiago