Posible umanong mapalawig pa ang umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) dahil sa patuloy pang pagtaas ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa rehiyon.

Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, palaging nandiyan ang posibilidad ng pagpapalawig ng ECQ dahil kahit na umiiral na ang dalawang linggong ECQ ay patuloy pa ring tataas ang mga maitatalang COVID-19 cases.

“Nandiyan lagi 'yung posibilidad because based on our projections, kahit magkaroon tayo ng dalawang linggong ECQ, patuloy pong tataas ang mga kaso natin,” ayon kay Vergeire, sa panayam sa telebisyon. “Ang atin po lang objective for this ECQ is for us to prepare the system para mas ma-manage natin itong ganitong klaseng sitwasyon.”

Nilinaw naman ni Vergeire na ito’y kailangan pa ring talakayin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).

National

Paalala ng PWS para sa flu season: 'Do not kiss babies that aren't yours!'

“As to the extension of ECQ, of course, ito po ay pag-uusapan sa IATF,” aniya pa.

Ang Metro Manila ay kasalukuyang nakasailalim sa ECQ simula Agosto 6 hanggang 20 upang mapigilan ang pagkalat ng mga kaso ng COVID-19, partikular na ang Delta variant nito.

Gayunman, sinabi ni Vergeire na hindi lamang ang lockdown ang dapat na asahan, kundi kailangan ring magsagawa ng iba pang mga pamamaraan upang mapigilan ang pagkalat pa ng virus.

“But based on what’s happening right now at ang patuloy na pagtaas ng kaso, hindi lang po ang lockdown ang dapat asahan natin and government is gearing towards that,” aniya.

“Kailangan nating paigtingin 'yung iba pa nating ginagawa sa response so that economically hindi rin tayo masyadong ma-burden.So pag-uusapan ho lahat 'yan sa IATF,”dagdag pa ni Vergeire.

Nitong Lunes, una nang kinumpirma ni Vergeire na balik na sa high-risk ang klasipikasyon ng bansa dahil sa patuloy na pagdami ng naitatalang COVID-19 cases nitong nakalipas na dalawang linggo.

Mary Ann Santiago