Hindi na talaga paawat ang taumbayan sa paghanga, at pagpupugay sa unang Pilipinong atleta na nakasungkit ng gold medal sa Olympics na si Hidilyn Diaz. Bukod sa iba't ibang mga pabuyang natatanggap niya, kaliwa’t kanan din ang mga artistsna gumagawa ng kanilang art tribute para sa atleta.

Isa na riyan ang artist na si Francis Diaz (hindi kaanak ni Hidilyn) mula sa Gandara, Samar. Kakaiba ang kanyang art tribute dahil gawa ito sa mga bubog o binasag na mga bote. Gumugol siya ng apat na oras upang matapos ito.

"Napili ko ang bubog na maging medium ng aking art kasi kung mapapansin natin, kapag ang empty bottles ay nabasag, agad natin itong itinatapon sa basurahan," paliwanag Francis sa panayam saBalita.

Dagdag pa niya, "Una palang gumagawa na ako ng mga self-portrait gamit ang acrylic paint at nag-sketch din ako ng mga tao, nagre-recycle ng mga bagay na pwede pa nating pakinabangan."

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

May mensahe naman siya sa mga artists na gaya niya, lalo na sa pagiging masining at malikhain.

"Lahat tayo ay may kakayahan na gumawa ng mga artwork pero dapat maging creative at maging resourceful. Di man natin afford ang mga mamahaling gamit para sa art. Pero kaya nating gumawa ng magandang artwork tulad ng ginawa ko."

"Kagaya nina Hidilyn at iba pang mga bayaning atleta natin, dapat maging masipag at matiyaga lang tayo at tuloy-tuloy lang tayo ang ating paggawa ng art natin. Hindi hadlang ang walang kagamitan. Patuloy lang tayo gumawa ng mga artwork mula sa mga bagay na pwede pang pakinabangan. Patuloy lang tayo mag-isip at lumikha ng mga bagay-bagay na mapapakinabangan," aniya.

Buena mano niya si Hidilyn sa kanyang bubog art tribute. Balak din niyang gawan ng tribute ang iba pang mga atleta at celebrities.