Inaasahang darating sa bansa ang donasyong 415,000 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine mula sa United Kingdom upang matulungan ang Pilipinas sa pagharap sa pandemya.
Ito inihayag ni British Secretary of State for Foreign, Commonwealth and Development Affairs Dominic Raab, nitong Miyerkules.
Sa pahayag ng British government, ang idi-deliver na bakuna sa bansa ay pauna pa lamang sa pangako nilang 100 milyong doses para sa mahihirap na bansa sa mundo na kailangan na ng bakuna.
“We’re doing this to help the most vulnerable, but also because we know we won’t be safe until everyone is safe,” paniniyak ng British Embassy sa Pilipinas.
Paglilinaw ni Raab, maglalabas muna sila ng siyam na milyong doses ng bakuna na ido-donate sa mga bansa buong mundo, kabilang na ang Pilipinas, pati na rin sa COVAX facility upang matulungang humarap sa COVID-19 sa ibang bansa.
Sa linggong ito pa ang inaasahang pag-alis sa UK ng naturang bakuna.
Layunin aniya ng pagbibigay nila ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas upang tumaas pa ang bilang ng mababakunahan.
Roy Mabasa