Isang porsyento na lamang ng kabuuang pondong inilaan ng gobyerno sa paglaban sa coronavirus disease 2019 pandemic ang hindi nagagastos.
Ito ang paglilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang tugon sa mga senadorna pumuna sa hindi paggastos ng pamahalaan sa malaking bahagi ng pondong inilaan sa pamamagitan ng nag-expire na Republic Act 11519 (Bayanihan to Recover as One Act) o ang tinatawag na Bayanihan 2.
Sa pagpupulong sa Malacañang na dinaluhan ng mga miyembro ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), tinanong nito siFinance Secretary Carlos Dominguez III kung may katotohanan na nagkaroon ng underspending sa Bayanihan 2 funds.
Kaagad namang sinagot ito ng Dominguez na nagsabing₱6 bilyon na lamang ang hindi nagagastos o katumbas ng isang porsyento ng nasabing pondo.
Ipinaliwanag ni Dominguez sa Pangulo na makikipag-usap na sila sa mga government agency, kabilang ang Department of Budget and Management (DBM) upang matiyay na nagagastos nila ang naturang pondo.
“This is one percent problem. It is not in relation to what we have released of₱660 billion. This is one percent. And we are sure that it will be released. But in the meantime, we are asking each department to really spend the money,” aniya.
Ayon naman sa official website ng DBM, ang binanggit na isang porsyento ay mula sa kabuuang₱141.59 bilyon ang pondong inilabas para sa special approriations sa ilalim ng Bayanihan 2.
Pagkatapos ng pagpupulong, pinayuhan ng Pangulo ang mga senador na makinig na lamang kay Dominguez kaugnay upang malinawan sa kontrobersya.
PNA