Arestado ang dating government witness na si Mary Ong, alyas 'Rosebud' at tatlong iba pa dahil sa pagbebenta ng AstraZeneca vaccination slots sa mga Chinese sa Pasay City, nitong Biyernes.

Sa pahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) bukod kay 'Rosebud,' kasama rin sa inaresto ang kapatid nito na si Peter Ong, taga-Kawit, Cavite; Warlito Dabuet Mabanan, taga-Pasay; at Ferdinand Madrid Mabalo, isang secretary sa isang barangay sa Pasay.

Si 'Rosebud' ay dating testigo ng gobyerno sa kontrobersyal na Kuratong Baleleng rubout case noong 1990s laban kay dating Philippine National Police chief at ngayo'y Senator Panfilo Lacson.

Paliwanag ni NBI-Officer-in-Charge Eric Distor, inirekomenda na nila sa Department of Justice ang pagsasama ng kasong estafa, paglabag sa Republic Act 1102 (Ease of doing Business Act) at paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) sa mga suspek dahil sa pagsisinungaling na sila ang mga opisyal na kumakatawan sa pangangasiwa ng pagbabakuna, kapalit ng pagbabayad sa kanila ng mga tuturukan".

National

Akbayan kay Harry Roque: 'Uwi ka na galit na kami, Interpol bring him home!'

Nag-ugat ang kaso nang magreklamo sina James Christian Sucgang at Sam Lo, isang Chinese, sa Special Action Unit (AU) nitong nakaraang Hulyo 15 dahil sa pagbebenta umano ng vaccination slots ngisang grupong pinamumunuan ng isang "Paul" sa Pasay City.

Anila, hindi sila mababakunahan dahil hindi sila kabilang sa mga priority groups.

Gayunman, tiniyak umano sa kanila ni Paul na makakakuha sila ng AstraZeneca vaccination slot sa Pasay City, kapalit ng₱7,000.00.

Nitong Hulyo 22, naka-usap umano ni Paul si Sucgang na nagsabing nakakuha na ito ng schedule para sa pagbabakuna.

Dahil dito, plinano ng mga awtoridad na makipagkita kay Paul ang grupo ng mga Chinese patungo sa vaccination site sa Barangay 190 sa Pasay matapos magkasundo sa bayad na P63,000.00.

Nang tanggapin ni Peter (Ong) ang salapi, kaagad na itong dinakip ng mga tauhan ng NBI, kasama ang tatlong kasamahan.

PNA