Kung maniniwala kayo o totoo ang survey ng Social Weather Stations (SWS), may 4.2 milyong pamilyang Pinoy daw ang nakararanas ng gutom (involuntary hunger) sa nakalipas na tatlong taon.
Ginawa ang poll survey ng SWS mula Abril 28 hanggang Mayo 2, at lumitaw na 16.8 porsiyento o tinatayang 4.2 milyong pamilya ang dumanas ng involuntary hunger dahil sa kakulangan ng pagkain. Sumahin nga ninyo kung ilang Pinoy ang nagugutom kung ang isang pamilyang Pilipino ay binubuo ng limang miyembro---Tatay, Nanay, tatlong anak o limang miyembro?
Ayon sa SWS, ito ay 0.8 puntos na mataas sa 16 porsyento o may apat na milyong pamilya noong Nobyembre 2020, gayunman, 4.3 puntos na mababa sa 2020 annual average na 21.1 porsiyento
Ang 16.8 percent hunger rate noong Mayo ay binubuo ng 14.1 porsiyento (may 3.6 milyong pamilya) na nakaranas ng bahagyang gutom at 2.7 porsyento (may 674,000 pamilya) na nakaranas ng matinding kagutuman.
Ang bahagyang pagkagutom o (moderate hunger) ay iyong nakaranas ng kagutuman “nang minsan lamang” o “ilang beses” sa nakaraang tatlong buwan samantalang ang matinding pagkagutom (severe hunger) ay iyong nakaranas ng "madalas" o "lagi" sa nakalipas na tatlong buwan.
Batay sa SWS survey, ang Mindanao ngayon ang may pinakamataas na pangyayari ng kagutuman sa 20.7 porsiyento o tinatayang 1.2 milyong pamilya kasunod ng Visayas na may 16.3 porsyento (may 776,000 pamilya), balance Luzon na may 15.7 porsiyento ( 1.8 milyong pamilya) at Metro Manila na 14.7 porsyento (496,000 pamilya).
Alam ba ninyo mga kababayan, mga kaibigan at kakilala na ang hunger rate ng ating mahal na Pilipinas ay 8.8 porsiyento lamang o tinatayang 2.1 milyong pamilya sa survey ng SWS noong Disyembre 2019 survey, o bago sumulpot ang pesteng COVID-19.
May 1,200 adults ang kinapanayam nang harapan o face-to-face interviews na binubuo ng 18 taon gulang na Pilipino pataas sa buong bansa. Matanong ko nga kayo: "Nakapanayam ba kayo o hindi? Isa pa, saang kategorya ng kagutuman kayo kabilang?"