Sisibakin na si Senator Manny Pacquiao bilang pangulo ng Partido Demokratiko-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa idaraos na national assembly ng partido sa Hulyo 16-17, 2021.
Ito ang reaksyon ni Energy Secretary Alfonso Cusi, vice chairman ng PDP-Laban, bilang ganti sa pagsibak sa kanya ni Pacquiao at ng National Executive Committee (NEC) nito dahil umano sa "pagtataksil" sa partido. Kasama ni Cusi na sinibak sa partido ang dalawa pang matataas na opisyal. Ang PDP-Laban ay may dalawang paksyon: Ang Pacquiao faction at ang Cusi faction.
Kaugnay nito, isang senador na dating pangulo ng PDP-Laban ang nagsabing malayong mangyari o isang "long shot" ang nagpapanukala sa tambalang Sara-Pacquiao sa 2022 national elections.
Ayon kay Senator Aquilino "Koko" Pimentel III, mahirap mangyari ang nasabing tambalan bagamat isa itong malakas na partnership kung mangyayari.
Si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, anak ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang founder at lider ng Hugpong ng Pagbabago (HNP), at hindi kaalyado ng PDP-Laban Pacman faction.
Isa sa dahilan kung bakit pinatalsik si Cusi at dalawang iba pa ay bunsod ng layunin nilang isulong ang isang Duterte-Duterte tandem (Sara at ang Pangulo) o kaya naman ay Sara-Go partnership (Sara-Bong Go).
Kamakailan, inamin ni Pacquiao na mali ang ginagawang ito ng grupo ni Cusi dahil hindi nila kapartido ang HNP na isang regional party, at hindi kaisa sa kanilang mga prinsipyo at adhikain.
Bert de Guzman