Viral ngayon sa social media ang isang video clip na makikitang lumalangoy ang isang dolphin sa ilog ng Bgy. Sta. Elena, Sta. Rita, Samar.
Nangyari ito nitong Huwebes, Hulyo 8, bago mag alas-10 ng umaga.
Kuwento ni Carlo Capacite, uploader ng video, first time nilang makakita ng dolphin sa ilog sa kanilang barangay.
Kaya mapapansin sa video na tuwang-tuwa ang mga taga roon dahil sa dolphin na kanilang nakita.
Kinahapunan, nagpunta ang mga taga-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa lugar upang tingnan ang sinasabing dolphin. Sinabihan nito ang mga Barangay officials na pinangungunahan ni Kapitan Ramon Gulong na pakainin ito ng kalahating kilong isda.
Ayon kay Capacite, tingin daw niya ay naligaw ito habang hinahabol ang isda na papasok ng ilog para kainin.
Ngayong araw ng Biyernes, Hulyo 9, mga dakong 9:30 ng umaga, kinuha na ng BFAR ang dolphin at ibinalik ito sa dagat.