Iniulat ng Department of Health (DOH) na umabot na sa mahigit 3.2 milyong katao o 4.5% ng 70 milyong target population nito ang fully-vaccinated na laban sa COVID-19 jabs.
Sa isang press briefing nitong Biyernes, sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na hanggang nitong Hulyo 8 ay nasa 12,703,081 doses na ng bakuna laban sa COVID-19 ang nai-administer sa buong bansa.
Ito ay may average aniya na nasa 200,000 shots kada araw.
Ayon kay Cabotaje, nasa kabuuan nang 9,493,839 indibidwal ang nakatanggap ng unang dose nila ng bakuna o 13.4% ng 70-milyong target ng pamahalaan.
Sa naturang bilang naman, kabuuang 3,209,242 na ang fully-vaccinated o nakatanggap ng dalawang dose ng bakuna.
Sa targeted na 1,626,495 health workers o yaong nasa A1 category ay 1,603,717 na ang nakatanggap ng first dose ng bakuna habang 1,165,125 naman ang nakakumpleto na ng dalawang dose.Sa expanded A1 priority group na kinabibilangan ng outbound OFWs at family members ng mga health workers, ay 161,959 na ang mayroong first dose ng bakuna habang 14,365 naman ang fully-vaccinated na.
Sa targeted naman na 8,274,916 senior citizens na kabilang sa A2 category, nasa 2,632,861 ang nakatanggap na ng unang dose ng bakuna habang 861,560 ang fully-vaccinated na.
Sa 7,085,183 naman na targeted persons with comorbidities o nasa A3 category, ay nasa3,184,933 ang mayroon nang isang turok ng bakuna, habang 1,039,710 naman ang naka-dalawang dose na.
Samantala, sa 35.5 milyon na targeted essential workers, o A4 category, nasa 1,614,481 ang nakatanggap na ng first dose ng bakuna habang 103,990 naman ang fully-vaccinated na.
Sa 6,215,383 targeted indigent Filipinos naman, nasa 295,888 na ang mayroong first dose ng bakuna habang 24,492 naman ang nakatig-dalawang doses na.
Kaugnay nito, sinang-ayunan naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang pahayag ng isang OCTA Research fellow na maaaring maging resilient o mas matatag na ang Metro Manila laban sa mas nakahahawang Delta coronavirus variant sa mga susunod na buwan ngayong mas marami nang residente ang bakunado na laban sa COVID-19.
Ayon kay Vergeire, maaaring hindi lamang sa Delta variant maging resilient ang capital region kundi maging sa COVID-19 mismo at iba lahat ng iba pang variants nito kung mababakunahan ang mula 30% hanggang 50% ng populasyon.
“If we achieve 30% [coverage], actually it’s not just the Delta variant. Magiging resilient sa COVID-19, doon sa sakit mismo against all of these variants, if people will be vaccinated and if we can reach this 30% to 50%,” paliwanag niya.
Mary Ann Santiago