Nakapagtala na naman ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng bagong rekord nang makapagturok ng may kabuuang 125,598 doses ng COVID-19 vaccines sa loob lamang ng tatlong araw mula Hulyo 3 hanggang Hulyo 5.
Ito ay base na rin sa regular vaccination update na ipinost ni Manila Mayor Isko Moreno.
Kasabay nito, sinabi ng alkalde na ang mga bakunang nauna ng binili ng pamahalaang lokal mula sa Sinovac ay mauubos na ngayong Martes at Miyerkules, sa pagpapatuloy ng mas pinaigting na mass vaccination ng lungsod.
Matatandaan na noong Hunyo 24, ay pinangunahan nina Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang pagsundo sa NAIA Terminal 2 ng may 400,000 doses ng Sinovac na binili ng alkalde mula sa tagagawa nito sa China. Dahil dito, ang Maynila ang kauna-unahang lungsod sa mundo na bumili ng sarili nitong bakuna mula sa Sinovac. Ang nasabing doses ng vaccines ay sapat para sa 200,000 indibidwal na tatanggap ng dalawang doses bawat isa.
Binati at pinasalamatan ni Moreno ang vaccinating teams sa ilalim ng superbisyon nina Lacuna, Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan at assistant MHD chief Dr. Ed Santos, matapos na makapagrehistro ng panibagong daily record na 43,011 vaccines na naiturok sa loob ng isang araw at ito ay noong Lunes, Hulyo 5.
Bago ito, hindi tumigil ang vaccination program ng lungsod sa utos ni Moreno at nitong weekend ay nakapagturok ng may 42,649 vaccines noong Sabado (Hulyo 3) at 39,938 naman noong Linggo (Hulyo 4).
Inilunsad din ang night vaccination sa Divisoria, mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw upang mapagbigyan ang mga market workers, vendors at public utility vehicle drivers na hindi kayang magpunta sa mga vaccination sites tuwing umaga dahil sa magdamag na trabaho at nanghihinayang sa kanilang kikitain.
At sa utos din ni Moreno ay itinuloy ang mass vaccination program ng lungsod sa apat na malalaking shopping malls sa lungsod at sa 18 pampublikong paaralan at ngayon pati na sa private schools.
Dagdag pa dito, noong Huwebes isang mass vaccination ang ginawa sa isang hotel para lamang sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na papaalis na.
May 1,000 OFWs ang nabakunahan, na ayon kay Moreno ay regalo ng lungsod sa mga OFWs para sila ay makapabalik na sa kanilang employers sa ibang bansa.
Ayon sa alkalde, dapat ay mas mabilis ang vaccination kaysa sa infection kaya't inutos na ang vaccination ay gawing 14-oras ang operasyon, mula alas- 6:00 ng umaga hanggang alas- 8:00 ng gabi.
Ang Maynila ang siyang nangunguna sa lahat ng lungsod at munisipalidad pagdating sa mabilis at maayos na pagbibigay ng bakuna.
Mary Ann Santiago