Agad pinabulaanan ni Senador Bong Go ang akusasyon ni Trillanes na bilyon-bilyong halaga ng kontrata ang nakuha ng kanyang pamilya sa mga proyekto ng pamahalaan.

“Panis na isyu itong pinalalabas ni Trillanes, wala na bang bago?” bungad na pahayag ng senador sa video na in-upload sa kanyang Facebook page.

Ayon kay Senador Go, hindi pa siya senador ay sinagot na niya ang isyung ito kung saan hinamon pa umano niya si Trillanes na magsampa ng kaso.

“Hinding-hindi ako uurong kasi dahil alam ko na malinis ang aking konsensiya at wala akong batas na nilabag.”

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Dagdag pa niya, “Buti pa ang ibang tao, nakakahingi ng tulong sa akin pero ang pamilya ko ‘di nakakalapit sa akin nyan. Lalo na ang half-brother ko na magkaiba naman ang aming nanay.”

Ilang taon na aniya, ang mga akusasyon na binanggit ni Trillanes pero wala naman itong napapatunayan.

“Sinabi ko na sa kanya noon na kung mapapatunayan niya ang paratang niya, magre-resign agad ako. Nakalipas na po ang halos tatlong taon at wala namang napatunayan si Trillanes, lahat ng mga ito ay nasagot ko na, puro kasinungalingan ang pinapakain niya sa taong bayan.”

Nilalason din, aniya, ni Trillanes ang isipan ng mga Pilipino para sa kanyang pansariling interes.

“Nagtatrabaho ako rito para magserbisyo sa aking mga kapwa Pilipino, ikaw nasan ka Mr. Fake News?”

Nilinaw din ni Bong Go na hindi siya nakikialam o nag-iimpluwesiya sa anumang bidding. Hinamon pa niya na tawagan ang DPWH upang itanong kung kailan man ay nakialam siya sa anumang proyekto.

Hindi rin, aniya, siya nakikialam sa negosyo ng kanilang pamilya.

“Style ni Trillanes na bulok, ibo-bloated niya, dadagdagan niya para kunwari lumaki yung numero wala naman po akong kinalaman dyan,” saad pa niya.

Handa rin umano ang senador na labanan ni Trillanes sa tatakbuhan nitong posisyon.

Sa huling bahagi ng video ibinalik ni Bong Go ang tanong at sinabing, “Pinagbawalan mo noon ang iyong nanay at tatay habang sundalo ka noong pumasok sila bilang supplier sa navy? Nasaan ang delikadesa mo noon?

Ang reaksyon na ito ni Bong Go ay sagot sa akusasyon ni dating Senador Sonny Trillanes IV na maaaring kasuhan siya at ang Pangulo ng plunder.

Sa kanyang vlog na “TRX:Trillanes” sinabi ng dating sendor na nakakuha ng bilyong halaga ng proyekto ang construction companies ng ama ni Bong Go at half-brother nito sa Davao region sa kanila ng pagkakaroon ng “B” license mula sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB).

Ayon kay Trillanes, nangyari ang insidente ng plunder sa Davao city at Davao region noong mga panahong mayor pa ng Davao si Duterte.