Mahinang pagsabog lamang ang inaasahan ng Phivolcs dahil ang magma ng bulkan ay nasa mababaw na antas na, ayon ito kay Phivolcs OIC Renato Solidum Jr.
“Dahil de-gas na ang magma sa mababaw na parte, hindi po namin inaasahan na kasing lakas nung last year na mabilis na umakyat ang magma na maraming gas kaya malakas ang pagsabog.” Ayon kay Solidum sa televised briefing nitong Biyernes, Hulyo 2.
Aniya, mahina ang naitalang limang pagsabog nitong Huwebes, Hulyo 1.
Naitala ang short-lived phreatomagmatic eruption sa main crater ng Taal noong 3:16 p.m. nitong Huwebes. Nakabuo ito ng dark grayish plum na umabot sa isang kilometro ang taas.
Ang unang pagsabog ay sinundan ng apat na short phreatomagmatic burstsna naitala noong 6:26 p.m, 7:21 p.m, 7:41 p.m., at 8:20 p.m., na hindi tumagal sa dalawang minuto at naglabas ito ng short jetted plumes na 200 kilometro sa ibabaw ng main crater lake.
“May mangilan-ngilan na volcanic earthquakes pero patuloy ang pagbuga ng usok na may kasamang gas. Pero wala namang pagsabog na naulit mula kagabi,” ayon kay Solidum.
Subalit, hindi pa rin binabawasan ng Phivolcs ang chansang posibleng magkaroon ng malakas na pagsabog.
“Sana hindi matuloy ang mas malalakas pang pagsabog pero nandiyan pa rin yung banta na pinapakita ng Taal dahil marami pang gas na inilalabas.” aniya.
Aniya nanatili ang Alert Level 3 sa bulkan dahil sa patuloy na magmatic unrest na pwedeng magdulot ng explosive eruption.
Ipinagbabawal sa publiko ang pumasok sa Taal Volcano Island, na permanenteng danger zone.
Inabisuhan din ng Phivolcs ang mga nasa high-risk barangays ng Agoncillo at Laurel sa Batangas na lumikas na dahil sa hazards ng pyroclastic density currents at volcanic tsunami kung sakaling sumabog ng malakas ang bulkan.
“All activities on Taal Lake should not be allowed at this time,” dagdag ng Phivolcs.
Ellalyn De Vera-Ruiz