Nag-isyu ng ilang mga paalala ang Department of Health (DOH) para sa mga residente na apektado ng pagputok at pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Photo Coutesy: Ali Vicoy

Ayon sa DOH, dapat na maging handa ang mga residente sa posibleng paglikas sakaling kailanganin ito.

Bong Revilla, Jinggoy Estrada kumambiyo rin sa Adolescent Pregnancy Bill

Pinayuhan rin ng DOH ang mga nakatira sa mga lugar na malapit sa bulkan na ihanda ang tinatawag na "go bag" o "emergency balde" at mga sarili para sa posibleng paglikas.

Anang DOH, ang mga go bag o emergency balde ay maaaring maglaman ng malinis na mga damit at hygiene kits gaya ng sabon, toothpaste at iba pa.

Dapat ring mayroon itong malinis na tubig na inumin, mga pagkaing hindi agad mapapanis gaya ng delata, biskwit at iba pa, gamot at first aid kit.

Mahalaga rin ang face mask at face shield at insect repellent o kulambo.

Sa panahon naman ng paglikas, sinabi ng DOH na ang mga apektadong residente ay mainam na manatili sa loob ng isang ligtas na evacuation center.

Payo pa ng DOH, laging sundin ang minimum public health standards upang iwas-pagkalat ng COVID-19.

Hangga't maaari anila ay dapat ring dumistansya ng hindi kukulang sa isang metro sa mga taong hindi kasama sa bahay.

Dapat ring tiyakin na ligtas at malinis ang inuming tubig, iwasang magtira ng pagkaing mabilis na mapanis, at panatilihing malinis ang evacuation center upang maiwasan ang anumang sakit.

Para sa mga nanay na may sanggol dapat anilang ipagpatuloy ang pagpapasuso.

Mary Ann Santiago