Tinukoy ng Department of Health (DOH) ang apat na rehiyon sa bansa bilang high-risk sa COVID-19 dahil sa naitalang mataas na average daily attack rates (ADAR) at hospital bed occupancy.

Ayon kay DOH Epidemiology Bureau director Dr. Alethea De Guzman, kabilang sa mga naturang rehiyon ang Regions 6, 8, 11, at 12.

Sinabi ni De Guzman na ang naturang apat na rehiyon ay nakapagtala ng ADAR na mas mataas sa seven cases per 100,000 population, sanhi upang iklasipika sila bilang high-risk areas.

Bukod dito, tumaas rin aniya ang healthcare at ICU utilization rate ng mga naturang lugar.

Probinsya

15-anyos na dalagita, patay matapos umanong gahasain ng 13 lalaki

“Ibig sabihin, mas mataas than usual ‘yung mga naire-report na kaso araw araw kumpara sa bilang ng population,” paliwanag pa niya sa isang online forum. “Nakakita rin tayo ng karampatang pagtaas sa kanilang mga tinatawag na healthcare at ICU utilization rate.”

Nabatid na sa Region 11, nasa 71.43% ng hospital beds ang okupado habang 86.22% ng ICU beds ang ginagamit hanggang noong Hunyo 28.

Ang ICU utilization rate ay mataas din sa Region 6 sa 83.17% at sa Region 12 na nasa 74.29%.

Ang hospital at ICU bed occupancy rates sa Region 8 naman ay nasa safe zone, gayunman, tinukoy pa rin ito bilang high-risk area dahil sa ADAR na 7.05 cases per 100,000 population.

Sa Luzon, halos lahat ng rehiyon ay nakikitaan ng pagkalahatang pagbaba ng mga kaso ng sakit, maliban sa Region 4B, na nagpapakita nang pagtaas ng kaso ng impeksiyon.

Sa mga rehiyon naman sa Visayas, ang Region 8 ay nakitaan din nang pagdami ng mga kaso ng sakit habang ang Region 6 ay nagkakaroon naman nang patuloy na pagbaba.

Sa Mindanao naman, tanging ang Region 11 ang nagpapakita nang pagtaas ng kaso habang ang iba pang rehiyon ay nagkakaroon na ng downward COVID-19 trend.

Mary Ann Santiago