TABUK CITY, Kalinga – Apat na drug couriers, kabilang ang isang menor de edad na pawang taga-Maynila ang nasakote sa operasyon ng pulisya sa Quezon, Isabela, matapos tangkaing ipuslit ang P1.2 milyong halaga ng bloke ng marijuana mula sa Kalinga.
Ayon kay Kalinga PPO Provincial Director Davy Limmong, nakatanggap ng impormasyon ang Rizal MPS na isang Grey Toyota Vios na may plakang NDE 9543 na may lulan na apat na katao at may kargang marijuana bricks na nabili sa Tabuk City.
Dumaan umano ang mga suspek sa Quarantine Checkpoint sa Barangay Agbannawag, Tabuk City, nitong Hunyo 27, subalit binalewala ito at kumaripas ang sasakyan patungong Barangay Abbut, sa naturang probinsiya at agad na inalarma ang karatig-bayan.
Ang sasakyang ito ang naharang sa Bgy. Alunan, ng mga tauhan ng Kalinga PPO, Isabela PPO, RMFB2 at RMFB15.
Kinilala ang mga suspek na sina Jerwin Lipalam, 24, driver, ng Tondo, Maynila; Jayson Pallares Tresmil, 24, driver, ng Grace Park, Caloocan City; Alvin Lampag Guiab, 20, ng Potreros, Malabon City at isang 17-anyos ng Binondo, Manila.
Narekober sa kanilang sasakyan ang 10 bloke ng pinatuyong dahon ng marijuana, na nagkakahalaga ng P1,200,000.00; isang Cal. 38 revolver na walang serial number; 5 bala ng cal. 38; Vivo Cellphone; Sagada bag at sling bag.