Sa pagsisikap ng pamahalaan na mapigilan ang pagkalat pa ng mas mabalasik na variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa, pagsasailalim sa Enhanced Community Quarantine ng iba’t ibang lugar sa bansa ang huling baraha ng Malacañang.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kailangang maghanap-buhay ng ating mga kababayan kaya’t malayo na maikonsidera na muling magpatupad ng lockdown kagaya ng mga unang ipinatupad sa naging pagtama ng pandemya.
Sinabi ni Roque na nakabantay ng husto ang IATF na siya na ring nagdedetermina ng quarantine classification sa ilang mga lugar na tumataas ang kaso at nauubusan ng healthcare capacity.
Pakiusap naman ni Roque sa gitna ng peligro ng Delta variant, huwag makalimot sa mask, hugas, iwas at bakuna para sa mga pupuwede ng mabakunahan.
Beth Camia