Sa kasagsagan ng paghahanda ng mga magsasaka ng kanilang mga bukirin para sa wet cropping season, lumutang din ang kanilang mga reklamo hinggil sa sinasabing kakulangan at nababalam na mga ayuda mula sa Deparment of Agriculture (DA). Mga reklamo ito ng ating mga magbubukid sa Central Luzon, lalo na sa mga lalawigan ng Tarlac at Nueva Ecija, na nangangailangan ng madaliang aksiyon upang matiyak ang sapat na ani para sa pagkakaroon ng tinatawag na food security ng ating bansa.
Kabilang sa nabanggit na mga reklamo ng mga magsasaka ang limitadong alokasyon ng hybrid seeds, atrasadong pamamahagi ng mga abono, hindi makapamili ng uri ng binhi, at iba pa. Palibhasa'y lahi rin ng magbubukid, nadadama ko ang tindi o impact ng naturang mga hinaing, lalo na nga kung isasaalang-alang na ang pag-alalay ng DA sa pagkakaroon ng sapat na produksiyon o ani; sa gayon, mapapanatili ng Central Luzon -- partikular ang Nueva Ecija -- ang pagiging rice granary nito sa buong kapuluan.
Sa paglilinaw ng DA -- sa pamamagitan nina Philrice Deputy Director Liza Bordey at Region 3 Director Cris Bautista -- binigyang-diin ang mga patakaran at sistemang pinaiiral sa pagtugon sa pangangailangan ng ating mga magsasaka: Kaakibat ito ng paglalatag ng mga remedyo sa nabanggit na kawing-kawing na mga isyu na bumabagabag sa tinaguriang mga gulugod ng bansa o backbone of the nation -- farmers.
Tungkol sa kakulangan ng binhi o hybrid seeds, hindi naman ito itinanggi ng naturang mga opisyal. Para sa Fiscal Year (FY) 2021, halimbawa, ang alokasyon sa Region 3 ay 285,000 bags para sa 285,000 ektarya. Hindi sapat ang inilaang binhi sa nasabing rehiyon lalo na kung isasaalang-alang na ang dalawang lalawigan dito -- ang Tarlac at Nueva Ecija -- ay pawang mga hybrid rice provinces na nangangailangan ng mas maraming bags ng nasabing binhi.
Upang maibsan ang problemang bumabagabag sa mga magbubukid, naniniwala ako sa mga patakaran hinggil sa partisipasyon ng mga local government units (LGUs) sa pagsaklolo sa mga magsasaka. Kailangan ngayon ang koordinasyon ng provincial at municipal at city agriculturists sa pamamahagi ng nasabing mga binhi sa tinatawag na hybrid rice areas; sa mga magbubukid na RSBSA registered. Sa gayon, mapupunan ang mga pagkukulang ng iba pang ahensya ng DA sa pamamahagi ng naturang mga binhi.
Ang ating magbubukid ay hindi dapat naiipit sa gayong kawing-kawing na mga isyu, lalo na kung iisipin na sila ang susi sa pananatili ng Pilipinas bilang isang maunlad na agricultural country.