Hindi naikubli ang minsan pang pangagalaiti ni Pangulong Duterte sa kanyang pakikidigma sa droga na una na niyang pinausad sa pagsisimula pa lamang ng kanyang panunungkulan noong 2016. Sa kanyang mensahe sa sambayanan kamakalawa, bigla kong naalala ang kanyang matinding banta sa mga users, pushers at drug lords: Kapag sinira ninyo ang kinabukasan ng ating mga kabataan, papatayin ko kayo.
Ang war on drug ng Pangulo, marahil ay nakaangkla sa mga ulat na ang halos 80 porsyento ng mga barangay sa buong kapuluan ay talamak sa ipinagbabawal na gamot. Ang paglubha ng naturang problema sa droga ay dahilan marahil sa sinasabing kapabayaan ng nakalipas na mga administrasyon na umano'y nagwalang-bahala sa pagpuksa ng nasabing salot ng lipunan.
Ito rin marahil ang dahilan ng puspusang pagsusulong ng Duterte administration ng iba't ibang kampanya laban sa kasumpa-sumpang shabu; kabilang na rito ang tinatawag na tokhang na naging dahilan ng kamatayan ng mga sugapa sa droga na nasusukol sa mga drug den -- lalo na ng mga durugista na sinasabing lumalaban sa mga alagad ng batas.
Sa kabila ng gayong matinding pakikipaglaban sa illegal drugs, buong pagpapakumbaba namang inamin ng Pangulo ang kanyang mistulang pagkabigo sa nabanggit na anti-drug drive. Katunayan, hiningi niya ang kooperasyon ng sambayanang Pilipino sa paglipol ng salot na droga. Inaamin niya na hindi niya makakayanang mag-isa ang paglutas sa nasabing salot sa kabila ng matindi niyang determinasyon na puksain niya ang mga bawal na gamot sa loob ng anim na buwan ng kanyang panunungkulan.
Ito ang naging sentro ng mga kritisismo ng administrasyon na nakaangkla naman sa umano'y talamak na extra judicial killings (EJK) na kinapapalooban ng mga sinasabing walang pagpatay sa mga drug suspect. Ito rin ang maliwanag na nagbunsod sa iba't ibang grupo na nangangalandakang tagapagtanggol ng karapatang pantao o human rights upang magsampa ng mga asunto laban sa Pangulo. Kabilang na rito ang mga habla na isinampa sa International Criminal Court (ICC): mga kaso na mistula namang tinatawanan ng Pangulo.
Sa naturang magkakasalungat na mga argumento, hindi nagbabago ang aking paninindigan na pagbabalik lamang o pagbuhay sa death penalty ang epektibong hadlang sa illegal drugs. Hindi natin malilimutan ang pagpatay kay Lim Seng, isang dayuhang druglord, ang binitay sa pamamagitan ng firing squad, maraming taon na ang nakalilipas.
Ito ang panahon upang minsan pang pag-ukulan ng pangalawang sulyap, wika nga, ang panukala hinggil sa muling pagpapatupad ng parusang kamatayan hindi lamang sa illegal drugs kundi maging sa karumal-dumal na krimen sa lipunan.