Tatlong katao, na kinabibilangan ng isang binata na itinuturing ng mga pulis na newly-identified high value individual (HVI), ang inaresto ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation sa Bgy. Tumana, Marikina City matapos na mahulihan ng mahigit P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu, nitong Lunes ng hapon.

Ang mga suspek ay nakilalang sina Jonathan Pulido, alyas ‘Totong,’ 26, binata, newly-identified HVI; at ang kanyang mga kasabwat na sina Marifel Estoque, 24, at Aaron Jhon Guiyang, 21, pawang residente ng naturang lugar.

Batay sa ulat ng Marikina City Police, nabatid na dakong 5:50 ng hapon nang maaresto ang mga suspek sa isang buy-bust operation na ikinasa sa Block 24 Lot 2, Ampalaya St., sa Bgy. Tumana.

Nauna rito, nakatanggap ng tip ang mga awtoridad hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya’t nagkasa ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buy-bust operation, na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nakumpiska mula sa kanila ang tatlong plastic sachet at dalawang piraso ng plastic ice bag na pawang naglalaman ng hinihinalang shabu, na may timbang na humigit-kumulang sa 170 gramo, at tinatayang nagkakahalaga ng P1,156,000.

Narekober din mula sa mga suspek ang isang digital weighing scale, isang asul na pouch, at buy-bust money.

Ang mga suspek ay pawang nakapiit na at sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Mary Ann Santiago