Tuwing ginugunita natin ang Araw ng Kalayaan o Independence Day, halos matulig tayo sa mga pagtatanong: Ganap na nga ba tayong malaya? Kagyat at positibo ang aking reaksiyon kung isasaalang-alang ang kasarinlan na ating tinatamasa ngayon -- kalayaan na naging dahilan ng pagdanak ng dugo at pagkitil ng buhay ng ating mga bayani sa kanilang pakikidigma sa mga dayuhang mananakop; hindi lamang noong panahon ng mga Kastila kundi maging noong sumunod na mga digmaang pandaigdig o world war nagpamalas ng katapangan ang ating mga bayani.
Mahirap paniwalaan na tayo ay ganap nang malaya lalo na kung pag-uusapan ang iba't ibang larangan ng pamumuhay at pakikipagsapalaran. Kinakapa pa natin hanggang ngayon ang kalayaan sa pagkagutom, sa mahihigpit na panuntunan sa paggawa o labor restrictions, sa reporma sa lupa o land reform, sa pagmamalabis ng ilang may kapangyarihan na walang pakundangan sa pagyurak sa mga karapatang pantao, at iba pa.
Pinatutunayan ng mga obserbasyon na marami pa rin tayong mga kababayan na nakalugmok sa karalitaan -- walang makain at namumuhay nang isang kahig-isang tuka, wika nga. Ibig sabihin, kahig ng kahig kahit walang matuka. Sa kabila ito ng mga pagsisikap ng pamahalaan sa pag-agapay ng mga pribadong sektor upang malunasan ang naturang problema.
Lalong hindi natin masusumpungan ang tunay at lubos na kalayaan sa panahong ito ng pananalanta ng pandemya. Natitiyak ko na kabilang ako sa mga namumuhay na mistulang mga bilanggo o ermitanyo sa ating mga tahanan. Mistulang kinitil ang ating kalayaang gumala sa mga lansangan dahill sa mahihigpit na health protocol laban sa nakamamatay na coronavirus; mga tagubilin na marapat lamang sundin ng lahat, lalo na ng katulad naming nakatatandang mamamayan o senior citizens.
Hindi na biro ang pananalasa ng COVID-19. Milyun-milyong katao hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa lahat ng bansa sa planeta ang dinapuan ng naturang mikrobyo, libu-libo ang namatay. At patuloy ang pananalanta ng naturang salot hanggang hindi pa marahil ganap na nababakunahan ang sambayanan.
Nakapanggagalaiti namang mabatid na pilit namang iginigiit ng ilang sektor ng ating mga kababayan ang kanilang kalayaan sa paglabag ng nasabing mahihigpit na minimum health protocol; walang patumangga sa pagiging pasaway sa pagbale-wala sa pagsusuot ng face shield/ mask, social distancing at madalas na paghuhugas ng mga kamay.
Sa panahong ito ng kagipitan, higit ko pang nanaisin ang mistulang kinitil na kalayaan kaysa kalayaang mangangahulugan ng panganib na bunsod ng nakakikilabot na salot o pandemya.