Sa kabila ng walang humpay na pananalasa ng nakamamatay na coronavirus, hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa buong mundo, isa na namang kababayan natin ang nag-uwi ng tinatawag na crown jewel -- isang milyong dolyar na napanalunan ni Yuka Saso sa 2021 US Women's Open Championship sa San Francisco, California. Siya ang kauna-unahang Filipino na nagtamo ng major golf championship. Isipin na lamang na nakamit niya ang naturang premyo na katumbas ng tumataginting na humigit-kumulang na 50 milyong piso.
Bilang isang premyadong golfer, nakasungkit na rin si Saso ng mga medalyang ginto sa mga pandaigdigang kompetisyon -- mga karangalan na naglagay sa ating bansa sa world map of sports. Walang alinlangan na ang gayong mga tagumpay ay makakamit rin niya sa lalahukan niyang Tokyo Olympic sa susunod na buwan.
Hindi lamang si Saso, kung sabagay, ang nakapag-uwi ng crown jewel sa ating bansa. Si Wesley So na isa ring kababayan natin ang patuloy na umaani ng world title sa pandaigdigang paligsahan sa ahedres o World Chess Championship. Malimit siyang itanghal na kampeon matapos makasagupa ang pinakamahuhusay na chess players sa daigdig.
Nakalulungkot nga lamang mabatid na hindi yata kinakatawn ni So ang ating bansa sa kabila ng katotohanan na siya ay isang Pinoy na isinilang sa isang bayan sa Cavite. Sa halip, siya yata ang kinikilalang representante ng United States. Sinasabi na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang naturang chess champion at liderato ng mga organisasyon ng palakasan o sports; mistulang napabayaan ang isa na namang crown jewel sa naturang larangan.
Nagpamalas naman ng katalinuhan at matatag na determinasyon ang kauna-unahang mga Pilipina sa United States Coast Guard Academy (USCGA) kamakailan. Sina Daisy Ann Atayan at Dianne Shaira Basuel ay gumawa ng kasaysayan nang sila ay maging tampok sa USCGA graduation rites na nakatakdang daluhan ni US President Joe Biden.
Hindi lamang sina Atayan at Basuel, kung sabagay, ang ating mga kababayan na nakapagtapos sa naturang Akademya. Dangan nga lamang at ang karamihan sa mga ito ay kalalakihan, tulad ng mga kababayan din natin na nagtapos sa US Military Academy at iba pang institusyon na katulad nito.
Totoo rin na hindi lamang ilang mga kababayan natin na maituturing na crown jewel na nagbigay ng karangalan sa ating bansa sa iba't ibang larangan ng pakikipagsapalaran -- sa agham, teknolohiya at iba pa.
Ang gayong mga pagsisikap ng itinuturing nating mga crown jewels ay marapat lamang suportahan hindi lamang ng Philippine Coast Guard, Philippine Sports Commission kundi maging ng iba pang pribadong organisasyon at mga mamamayan na may kakayahang maging sponsor ng ating mga kababayang may mga angking talino at kakayahang manguna sa paligsahan. Sila ang magiging hagdan upang ang ating bansa ay maitanghal sa iba't bang larangan ng pakikipagsapalaran.