ni MARIVIC AWITAN

Pamumunuan ng nag-iisang taekwondo bet ng bansa noong 2016 Rio Olympics na si Kirstie Alora ang tatlo pang Filipino jins na sasabak sa Asian Olympic qualifiers na idaraos sa Mayo 14-16 sa Amman, Jordan.

Kasama ni Alora na puntirya ang kanyang ikalawang sunod na Olympics stint sina 2019 Southeast Asian Games medalists Pauline Lopez, Kurt Barbosa, at Arven Alcantara.

Umaasa ang apat na Filipino jins na maipagpapatuloy ang naging tradisyon ng pagpapadala ng bansa ng mga elite taekwondo athletes sa Summer Olympics.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Mula nang maging official medal sport noong 2000 Sydney Games, palaging may kinatawan ang Pilipinas na kalahok sa event maliban noong 2012 London Olympics.

Ayon kay national team head coach Dindo Simpao, ang mga Filipino taekwondo bets ay nagsasanay sa loob ng isang bubble sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna mula noong Enero.

"We did not allow them to break training camp. There's no other way for us because the area is the best place for them to prepare," wika ni Simpao.

Naniniwala rin si Simpao na malakas ang tsansa ng mga Filipino jins sa Amman Olympic qualifiers dahil lahat halos ng mga taekwondo athletes sa buong mundo ay naging limitado ang training dahil sa kawalan ng mga taekwondo tournaments dulot ng COVID-19 pandemic.

"This scenario opens up a lot of opportunities for us. We are on equal footing because other taekwondo athletes don't have exposure in tournaments prior to the Olympic qualifiers," ayon pa kay Simpao.

Sa Asian Olympic qualifiers ang dalawang jins na papasok sa finals ng bawat division ay magkakamit ng tiket sa Tokyo Olympics taekwondo competitions.