ni CELO LAGMAY
Walang alinlangan na ang pagdiriwang ng Broadcaster's Month sa buwang ito ay lalong nagpatibay sa paninindigan na ang kalayaan sa pananalita ay hindi dapat sagkaan -- at lalong hindi dapat yurakan. Ito -- tulad ng kalayaan sa pamamahayag -- ay itinatadhana at pinangangalagaan ng ating Konstitusyon. Angking karapatan ito ng ating mga kapatid sa print at broadcast journalist -- peryodista at brodkaster -- sa pagpapalaganap ng mga balita at komentaryo na dapat malaman ng ating mga kababayan.
Ang nabanggit na karapatan ang nagiging sandata ng ating mga kapatid na brodkaster sa mga masalimuot at hindi kanais-nais na mga patakaran na isinusulong ng gobyerno; mga pagpuna na naglalayong makatulong sa pagtutuwid ng mga pagkakamali at sa pagbalangkas ng makabuluhang mga patakaran para sa kapakanan ng sambayanan at ng mga komunidad. Naniniwala ako na ito ang makabayang misyon ng ating mga kapatid sa pamamahayag sa iba't ibang media outfit.
Biglang sumagi sa aking utak ang isang itinuturing na tanging 'bulagkaster' sa bansa -- si Rommel San Pascual. Isa siyang PWD (person with disabilities) -- bulag at putol ang kanang paa, dating sundalo at ngayon ay kasalukuyang brodkaster sa iba't ibang himpilan ng mga radyo sa bansa.
Sa kanyang radio program kamakailan, walang pangingimi na tinawagan niya -- kasama ang iba pang PWDs -- ang sinasabing manhid, pagbubulag-bulagan at pagbibingi-bingihan ng pamahalaan sa pagmamalasakit sa katulad nilang mga may kapansanan. Ipinahiwatig din nila ang mistulang tagibang o kawalan ng pagkakapantay-pantay sa pagpapahalaga sa karapatan ng taumbayan. Naniniwala ako na ang gayong mga pananaw ay nakaangkla sa taglay nilang karapatan sa pananalita o freedom of speech.
Bilang isang lehitimong alagad ng media, natitiyak ko na ang gayong mga karapatan ang ginagamit ding armas ng iba pang komentarista sa iba't bang himpilan ng radyo at telebisyon. Malaya silang tumutuligsa at naglalatag ng mga argumento na may lohika sa tinatalakay nilang masasalimuot na isyu na gumigiyagis sa gobyerno at sa mismong mga mamamayan. May pagkakataon na sila ay nakapagbibitiw ng maaanghang na pagtuligsa na halos hindi masikmura ng mga awtoridad at karaniwang mga mamamayan. Ito ang kanilang paniniwala na bahagi ng kanilang mgapananagutan bilang mga responsableng brodkaster.
Bigla ko ring naalala ang ating sinaunang mga komentarista -- maraming dekada na ang nakalilipas. Matinding bumatikos ang isang komentarista; hindi makagulapay ang kanyang tinutuligsa at halos mga mata lamang ang walang latay, wika nga.
Totoo na hindi dapat masiil ang naturang mga karapatan. Gayunman, makatuwiran lamang na ang ating mga kapatid sa propesyon ay maging responsible media practitioners.