ni CELO LAGMAY
Mahirap paniwalaan ang pahayag ng aming mga kanayon: Nakabangon na sa pagkakalugmok ang backyard hog industry. Kaagad kong ipinagkibit-balikat ang naturang pananaw na tila taliwas sa mga alegasyon na ang mga babuyan ay mistulang nilumpo ng mapinsalang Afican Swine Fever (ASF). Dahilan ito ng malawak na kakapusan ng karne ng baboy, kaakibat ng pagtaas ng presyo ng naturang produkto.
Magugunita na halos lahat ng alagang baboy ng aming mga kanayon -- kabilang na ang malalaking hog raisers -- ay sinalanta ng ASF. Dahilan ito upang patayin ang iba pang mga baboy upang maiwasan ang paglaganap ng nabanggit na sakit. Daan-daang libong baboy ang sama-samang inilibing kasunod naman ng utos ng Department of Agriculture (DA) na babayaran nito ng limang libong piso ang bawat isang inilibing (CULLED) na baboy.
Kamakailan lamang, iniulat ng DA na ginawang P10,000 -- mula sa P5,000 -- ang bawat baboy na sinalanta ng ASF. Sinasabi na mula ito sa P600 milion funds na inilaan para sa repopulation program para sa mga pininsala ng ASF. Sa Senate hearing kamakailan, isinasaad sa mga ulat na hiniling ng DA na maglaan ng limang bilyong piso para sa ganap na rehabilitasyon ng hog industry upang maibalik ang dating matatag at maunlad na babuyan sa bansa; kaakibat ng pagkakaroon ng sapat na meat supply at resonableng presyo nito. Dito marahil nakaangkla ang pahayag ng aming mga kanayon hinggil sa muling pagbangon ng nakahilahod na industriya ng baboy.
Naniniwala ako na higit pang kasiyahan ang madadama ng aming mga kanayon kapag nakatuklas ang DA ng epektibong solusyon sa pagpuksa ng ASF na nagsimulang maminsala sa mga babuyan noong 2019. Totoo na walang dapat sisihin sa biglang paglusob, wika nga, ng nasabing hog disease na talaga namang kamuntik ng ganap na nagpagupo sa P250 billion swine industry; bunsod ito ng kalikasan na hindi mahahadlangan ng sangkatauhan.
Hindi marahil kalabisang imungkahi na kailangan ngayon ang sama-samang pagsisikap ng ating mga dalubhasa sa paghahayupan -- sa mga beterinaryo, vaccine experts at iba pang dalubhasa sa mga sakit ng ating mga alagang hayop -- sa ibat ibang agriculturalinstitution sa ating bansa. Marapat ding sila ay makipag-ugnayan sa mga eksperto sa ibang bansa na hindi malayong pininsala rin ng ASF.
Ang ganitong mga pagsisikap ang kailangang paglaanan ng pondo ng gobyerno; hindi tayo dapat manghinayang sa paglalaan ng gayong limpak-limpak na gugulin, lalo na kung naglalayon itong puksain ang salot sa babuyan.
Kapag ito ay nagkaroon ng positibong resulta, saka pa lamang natin masasabing ganap nang nakabangon sa pagkakalugmok ang ating hog industry.