ni Celo Lagmay
SA kaigtingan ng pananalasa ng pandemya, lalo namang pinaiigting ng mga kritiko ng administrasyon ang kanilang mistulang pamimilit kay Pangulong Duterte na ilantad sa bayan ang tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan. Ang naturang kahilingan ay sinasabing nakaangkla sa mga sapantaha na ang Pangulo ay may karamdaman; kaakibat ito ng kanyang pagpapaliban ng kanyang pag-uulat sa bayan hinggil sa quarantine status sa National Capital Region (NCR) plus bubble na kinabibilangan ng Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna.
Subalit kagyat ang pahiwatig ng Malacañang: Walang sakit ang Pangulo: nagagampanan niya ang mga gawain bilang Pangulo ng bansa. Bigla kong naalala ang matagal nang nasambit ng Pangulo: Sino ba naman ang katulad kong tumatanda ang walang nararamdaman. Ngunit kamakailan lamang, mistula niyang pinasinungalingan ang mga impresyon ng mga kritiko nang kanyang sabihin na siya ay naglalaro ng golf at nagmamaneho ng motorsiklo sa Bahay Pagbabago compound sa Malacañang.
Aaminin ko na ang aking mga pananaw ay nakaangkla lamang sa aking natutunghayan sa mga print at broadcast outfit. Subalit hindi ito ang sentro ng mga argumento. Kailangan bang ilihim ang tunay na kalagayan ng kalusugan ng Pangulo?
Maaring may lohika ang naturang katanungan. Kailangang matiyak ng sambayanan na ang ating Pangulo ay buong lakas at sigla na nakatutupad sa kanyang sinumpaang tungkulin. Gayunman, hindi ko matiyak kung ang taumbayan ay may karapatang piliting ibunyag ng Pangulo ang tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan. At hindi ko rin matiyak kung ang Pangulo ay may gayon ding karapatan. Sa anu't anuman, hindi ba sapat nang matiyak ng mga mamamayan na ang Pangulo ay gumaganap ng kanyang mga tungkulin alisunod sa itinatadhana ng nilagdaan niyang Oath of Office?
Biglang sumagi sa aking utak ang gayon ding isyu na kinaharap ni dating Pangulong Fidel V. Ramos; lumutang din ang mga kahilingan na ilantad sa bayan ang tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan. Sa aking pagkakatanda, hindi inaasahan ng sambayanan nang inihayag mismo ng Pangulo na siya ay magpapaopera ng carotid sa Makati Medical Center. Naging tampok sa halos lahat ng media outfit ang surgical operation ng Pangulo sa naturang ospital.
Hindi itinago ng Malacañang ang naturang sakit ng Pangulo. Katunayan, iba't ibang grupo ang pinahintulutang dumalaw sa kanya. Katunayan, mismong ang miyembro ng Malacañang Press Corps ang mistulang sumundo sa kanya sa paglabas sa MMC pauwi sa kanyang Presidential residence.
Hindi ba gayon ang dapat mangyari, kung pag-uusapan ang paglalantad sa tunay na kalusugan ng Pangulo?