ni Celo Lagmay
Nakakintal pa sa aking utak ang makahulugan subalit tila nakapag-aalangang tagubilin ng isang mag-asawang probinsiyana: "Dalhin mo ito sa simbahan ng Quiapo tuwing Biyernes Santo." Ang tinutukoy nila ay isang medalyong tanso na maliit lamang nang bahagya sa aking palad; may nakalimbag na mga wikang Latin na salitang 'Roma' lamang ang aking naiintindihan. Binigyang-diin nila na iyon ang simbolo ng pagtanaw nila ng utang na loob sa hindi namang kalakihang naitulong ko sa kanilang pamilya.
Mahigpit na ibinilin ng nasabing mag-asawa: "Isabit mo sa leeg ang medalyon sa pagpasok sa simbahan kasabay ng pag-usal sa maikling dasal sa Latin na dapat ding sambitin tuwing lalabas ng bahay upang ikaw ay malayo sa panganib at karamdaman." At idinugtong pa: "Dalhin ang medalya sa pinakamalapit na bundok tuwing Biyernes Santo at barilin ito upang mapatunayang hindi ito tinatablan ng bala."
Nakapanghihinayang -- at hindi naman dahil sa sadyang kapabayaan -- na hindi ko nagampanan ang tagubilin ng naturang mag-asawa. Isa pa, wala naman akong baril upang subukan ang tibay na may kaakibat na kababalaghan ng nasabing medalya. Bukod dito, ako ay sadyang naging abala sa aking mga obligasyon bilang isang mamamahayag noong mga dekada 60.
Isa pa, gusto kong magtungo ngayong Biyernes Santo sa Quiapo church upang dalhin ang medalyang tanso, mahigpit namang ipinagbabawal ang paglabas ng bahay ng mga nakatatandang mamamayan, lalo na ang katulad naming tagilid nang maglakad. Tila hindi naman katanggap-tanggap sa mga checkpoint enforcers kung idadahilan ko ang pagdadala sa simbahan ng nabanggit na medalya. Hindi malayo na iyon ay ituring nilang anting-anting na maaaring hindi nila pinaniniwalaan.
Bagamat hindi ko natupad ang ibinilin ng nasabing mag-asawa, na hindi ko na alam kung nasaan sila ngayon, nais kong tiyakin sa kanila na ang medalyon ay aking pinakakaingat-ingatan. Maaaring ang mga dasal na taglay niyon ay katulad din ng mga sinasambit sa mga simbahan ay naging bahagi ng aking kaligtasan sa mga panganib at sakit. Gayunman, higit na nangingibabaw rito ang kapangyarihan ng ating panalangin sa ating Panginoon na lumikha ng lahat ng bagay sa planetang ito na ating ginagalawan.
Napatunayan ko ito sa maraming pagsubok na dumating sa aking buhay. Nang ako ay isugod sa intensive care unit (ICU), halimbawa, dahil sa mild stroke, naging sandata ko ang taimtim na panalangin sa Diyos. Ganito rin naman nang dumugo ang aking sikmura dahil sa ulcer; sa emergency room pa lamang ay sinasalinan na ako ng tatlong bag ng dugo.
Sa lahat ng panganib na ating sinusuong at karamdamang dumadapo, tulad ngayong sinasalanta tayo ng nakamamatay na COVID-19, isapuso at isaisip natin ang pinakamakapangyarihang sandata laban sa mga salot: Taimtim na panalangin na may kaakibat na ibayong pag-iingat.