ni Celo Lagmay
MAARING taliwas sa pananaw ng ilang sektor ng sambayanan, subalit matibay ang aking paniniwala na ang ibayong paghihigpit ngayon ng mga checkpoint sa Metro Manila at sa ilang kalapit na rehiyon ay isang higanteng hakbang, wika nga, laban sa pananalanta ng pandemya. Higit na kailangan ngayon ang limitasyon ng ating paggalaw upang maiwasan ang paghahawahan sa coronavirus na nagiging dahilan ng nakababahalang pagtaas ng COVID-19 cases, at ng pagkitil sa buhay ng libu-libo nating mga kababayan.
Sa pinaiiral na mga bagong patakaran, mahigpit na pinagbabawalan ang mga naninirahan sa ilang lalawigan sa Region lll at lV na magpalipat-lipat sa iba’t ibang bayan -- lalo na sa pagtungo sa National Capital Region (NCR) na ngayon ay nangunguna sa bilang ng COVID-19 cases. Isipin na ang pagtanggap natin ng mga panauhin ay mahigpit ding pinagbabawalan sa pag-aakala, marahil, na ang mga bibisita sa atin ay nagtataglay ng naturang nakamamatay na sakit.
Totoo na ang gayong mga paghihigpit ay lubhang kailangan ngayon, lalo na nga kung isasaalang-alang na kamakalawa lamang umabot na sa mahigit na 8,000 ang coronavirus cases sa buong bansa; ito ang sinasabing pinakamataas simula nang ipatupad ang lockdown sa buong kapuluan. At isipin din na may mga pahiwatig ang isang research group mula sa University of the Philippines (UP) na maaring umabot sa 11,000 ang tatamaan ng nasabing sakit sa susunod na buwan.
Totoo rin na ang muling paghihigpit ng quarantine status ay maituturing na sukdulan ng ating pagsasakripisyo. Ibig sabihin, kailangang tayo -- lalo na sa katulad kong senior citizen -- ay marapat na manatili sa ating mga tahanan sa panahon na itinakda ng mga awtoridad; kailangang ang ilan sa atin ay mamuhay na tulad ng mga ermitanyo at bilanggo habang naghihintay ng pagdating ng mga bakuna na inaasahang makapagpapahupa sa ating alalahanin, takot at nerbiyos na dulot ng pandemya.
At lalong totoo na marapat ngayon ang ibayong paghihigpit ng mga checkpoint na pinamamahalaan ng ating mga pulis at iba pang law enforcers. Ngunit marapat din na ang gayong mga paghihigpit ay hindi dapat maging balakid upang ang ating mga kababayan na naghahatid ng mga pagkain sa Metro Manila ay hindi maabala. Kabilang dito, halimbawa, ang mga sasakyan na naghahatid ng mga aning gulay, isda at karneng baboy at manok mula sa iba’t ibang lalawigan -- lalo na sa mga lugar na pinag-aanihan ng naturang mga produkto.
Magugunita na ang gayong paghihigpit ay pinaluwagan ng gobyerno, sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA) upang pabilisin ang pagdadala ng mga paninda sa Metro Manila at kanugnog na lugar. Sa gayon, maiiwasan din ang pagtaas ng presyo ng nasabing mga produkto na masyadong idinadaing ng taumbayan; at mahahadlangan, kahit paano, ang pagsasamantala ng mga profiteers, at iba pang mapagsamantalang mga negosyante.