ni Celo Lagmay
Maramingdekada na ang nakalilipas nang kami ay masunugan, subalit hanggang ngayon ay mistulang bangungot pang gumagapang sa aking kamalayan ang naturang kahindik-hindik na eksena -- lalo na ngayon na nasa kasagsagan ang Fire Prevention Month; lalo na ngayon na walang humpay ang pagpapaalala ng Bureau of Fire Protection (BFP) hinggil sa pag-iingat sa sunog.
Bagamat nasa elementarya pa lamang ako noon, nakakintal pa sa aking utak ang kalunos-lunos na larawan ng nalanos naming bahay: Tupok na tupok maliban sa isang ararong bakal na ginagamit ng aming ama sa pagsasaka. Ang pagkasunog ng aming bahay ay katumbas ng kamatayan ng aming pangarap na makapagtapos ng pag-aaral; iyon ang ginagamit na paaralan ng aming mga kanayon; at kaming magkakapatid ay dito rin isinilang.
Hindi biro ang masunugan. Naghahatid ito ng matinding phobia at nerbiyos na halos magpagupo sa nasusunugan. Nadama ko ito nang malanos naman ang tinitirhan naming boarding house sa harapan ng isang pamantasan sa university belt. Wala kaming nailigtas maliban sa aking Japanese spitz -- alagang aso na epektibong nagpahupa noon ng pag-atake ng matinding depression o panlulumo. Natupok ang mahahalagang dokumento at memorabilya na hindi na matutularan, kahit na sa tinatawag na Recto university.
Totoong maraming sunog na gumimbal sa atin -- mga sunog na likha ng mga tampalasan at ng kalikasan o yaong tinatawag na force majeure. Tulad ng walang habas na panununog sa Marawi City, halimbawa. Sinasabing kagagawan iyon ng rebeldeng kasabwat ng mga dayuhang terorista. Isipin na lamang na mistulang nabura sa mapa natin ang naturang siyudad nang maabo ang naglalakihang mga gusali at bahay ng ating mga kababayang Muslim. Hanggang ngayon, sinisikap pang itindig ang makasaysayang lungsod upang ito ay maibalik sa dating anyo na simbolo ng kaunlaran at katahimikan sa bahaging iyon ng Mindanao.
Sinasabi na may mga sunog na sinadya, lalo na kung iyon ay nakaseguro sa nakalululang halaga. Ang ganitong mga eksena, kung may katotohanan, ay maituturing na isang gawaing walang pangalawa sa kasamaan.
Sa anu’t anuman, marapat lamang na laging isapuso at isaisip ang mga tagubilin ng BFP upang maiwasan ang nakakikilabot na sunog. Sabi nga ng palasak na kawikaan: nakawan ka na ng maraming ulit, huwag ka lamang masunugan. Walang matitira kahit na basahan, tulad nga ng nangyari sa amin